Tadhana ng masasamang lider: isusumpa hanggang libingan
Bago siya mamatay mahigpit na binilinan ni Alexander the Great ang mga heneral kung paano siya ililibing. Ninais niya na ihiga ang bangkay sa kalasag at ipasyal sa bayan – alaala ng pagiging mandirigma. Pero dapat daw ay wala siyang saplot, at ang mga kamay ay bukas na nakalaylay sa gilid – para maipakita na dumating siya sa mundo na walang ari-arian at wala rin siyang yaman na dala-dala sa hukay.
Sana pumulot ng aral kay Alexander ang ating mga pinuno. Marami sa kanila ang kung umasta ay tila walang kamatayan at hindi maglalaho sa kapangyarihan. Peligroso ‘yon sa kapalaran nila.
Nakamit nila ang puwesto sa pamamagitan ng pangakong napako, at tinatawag pang utu-uto ang mga bumoto sa kanila dahil du’n. Nilalait nila ang mga katunggali sa pulitika. Minumura ang sinumang salungat ang paniniwala. Masama ang walang respeto sa pagkatao ng iba.
Nagnanakaw sa kaban ng bayan kasabwat ang mga kapartido, at binabalatuhan nang maruming kontrata ang mga nagpondo sa kampanya. Binabahagihan ng ninakaw ang mga heneral, huwes, at kongresista para panatilihin sila sa puwesto. Mali malulong sa maruming kayamanan.
Niluluklok ang asawa, anak, at kapatid para palawakin ang poder. Nandadambong nang bilyun-bilyong piso na hindi naman mauubos miski ng mga apo nila. Samantala, pinananatiling mangmang at palaasa ang taumbayan sa dynasties nila. Mali ang malango sa kapangyarihan.
Naukit ang pangalan ni Alexander sa kasaysayan ng mundo. Dahil ito sa kasimplehan at pagkumbaba, sa pagkilala na hindi yaman kundi mabuting palakad ang dapat niyang atupagin.
Kabaliktaran ang maraming pinuno natin. Walang hanggan ang pagkaganid. Akala ba nila rerespetuhin ang mga nitso nila? Mali sila. Duduraan, iihian, isusumpa ang kanilang mga libingan. Nararapat lang.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest