Turismo sa Hilagang Luzon
Nanunumbalik na ang turismo sa Norte. Sa San Juan, La Union na Surfing capital of the North ay dagsa na ang mga bisita. Ang tanawing ito nagbibigay ng bagong pag-asa sa ating lahat.
Ang paanyayang maglakbay at puntahan muli ang mga tourist destinations at mag-adventure sa mga hindi pa napupuntahang destinasyon sa mga lalawigan mula Zambales hanggang sa dulo ng Cagayan, ay isang malaking hakbang upang mabuhay ang komersyo mula sa maliliit hanggang sa mga malalaking entrepreneurs sa mga bayan-bayan na nadaraanan ng mga turista.
Sa kabilang banda, nagbibigay buhay din sa mga manlalakbay at turista ang makalanghap muli ng preskong hangin mula sa matagal na pananatili sa loob ng bahay at madalas ay naka-online lamang gamit ang gadgets.
“Vitamin Sea”, sambit nang marami. At ayon sa mga dalubhasa, nakakabuti ang pamamasyal sa sikolohiya ng bawat-isa, lalo na tayong mga Pilipinong likas na “social animal”.
Sa isa pang banda’y, isang “blessing in disguise” sa turismo ng Pilipinas ang hindi pa pagbubukas ng ibang bansa sa mga bisita. Dahil tiyak, kung walang restrictions dahil sa pandemya, marahil na naglalakbay at namamasyal ang marami sa atin sa Europe, Amerika at kung saan-saan pang lupalop ng mundo.
Napakaraming magagandang tanawin mula Zambales hanggang Cagayan. Tiyak ngiti at mainit na pagsalubong ang nag-aantay sa atin at makakatiyak din tayong ang ating pagdating ay magdadala ng bagong pag-asa sa mga dadatnan natin doon.
Nakitaan ng sipag si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat upang buhayin ang turismo sa Hilagang Luzon. Ramdam ang kanyang sigasig mula Baguio City hanggang Ilocos Region upang hikayatin ang suporta ng publiko rito. Kaakibat ang pagpapaalala na panatilihin ng mga local na gobyerno ang kaligtasan sa COVID-19 sa pamamagitan ng mga mekanismo at pagsunod ng publiko sa minimum health protocols.
Sa pagkukumahog ng government sector at publiko sa hangaring muling manumbalik ang sigla ng turismo at komersyo sa Hilagang Luzon, may sagka pa bang maging dayuhan tayo sa sariling bayan?
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected].
- Latest