Populasyon lolobo sa pandemia
Hindi malayong magkaroon ng era of Baby Boomer part 2 dahil sa patuloy na pag-iral ng pandemya at ang limitadong paglabas ng bahay ng mga mamamayan.
Ako ay kabilang sa mga tinatawag na Baby Boomer Babies na ipinanganak noong 1949 matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig. Iyan ang aking henerasyon. Pagkatapos ng giyera, lumaki ang populasyon ng bansa dahil sa matagal na paglalagi ng mga tao sa kani-kanilang tahanan sa panahon ng krisis.
Iyan din ang pinangangambahang mangyari ng Commission on Population (PopCom) sa sandaling matapos ang pandemya sa COVID-19.
Ayon kay PopCom executive director Juan Antonio Perez III posibleng magkakaroon sa pagdami ng mga nabubuntis at nagsisilang na kababaihan dahil sa matagal na panahon ng lockdown na malamang lalong nagpapaigting sa romantic relations ng mga lalaki at babaeng magpartners na nakatira sa iisang tahanan.
Hindi magandang balita Iyan kung magkakatotoo dahil ngayon pa lang ay nagdaranas na ng sobrang paglaki ng populasyon ang Pilipinas na sa ngayon pa lang ay binubuo na ng mahigit isandaang milyong katao. Parang mayroon lang tayong iisang pizza pie na hindi na nga sapat pagsaluhan ng ating mga kababayan ay madaragdagan pa ng malaki ang mga makikisalo.
Hindi sa nasusuklam tayo sa mga future citizens na maisisilang kundi ang nakatatakot ay ang limitadong kakayahan ng pamahalaan para tugunan ang mga basic services para sa mamamayan gaya ng pagkain, tahanan, health care, trabaho at marami pang iba.
Sabi nga ng PopCom Chief, “sana huwag mangyari ito.” Pero kung mangyayari, wala naman tayong magagawa kundi tanggapin ang mga bagong kapatid natin na isisilang sa ating daigdig.
- Latest