Tulay sa 2021
Sa kabila ng dalamhating hatid ng ating kalagayan sa pandemya, binabati natin ang lahat ng isang Mapayapang Pasko at Mapagpalang Bagong Taon.
Kung ang taong 2020 ay sinalubong ng pagsabog ng bulkang Taal at, sa kalagitnaan ay binalot ang kabuuan ng mundo sa kalagiman ng pandemya, hanggang sa pamamaalam sa 2020 ay nililigalig pa rin tayo ng trahedya. Mga bagyo na nagdulot ng walang tigil na pag-ulan at malalakas na hangin at nag-iwan ng grabeng pagbabaha. Nito lamang nakalipas na linggo, humabol pa ang malakas na lindol.
Umaapaw na pagsubok ang pamana nitong walang kasing bigat na taon. Subalit, gaya ng kasabihan, manalig tayo na ang gabi ay pinakamadilim bago ang pagsapit ng bukang liwayway. Wala nang mas lalala sa ating nararanasan. Pag-ahon at pagbangon ang naiiwan.
At napangangatawanan ito ng pag-anunsiyo ng pagdating ng bakuna laban sa COVID-19. Hindi man tayo natuturukan pa, dama na rin natin ang ginhawa ng pag-asang malalampasan natin ang bangungot ng pandemya. Ang Pfizer nga ay kumpirmadong nagsumite na ng application para mabigyan ng Emergency Use Approval ng ating Food and Drug Administration. Nangangahulugan na tuluy-tuloy na ang proseso ng pag-angkat ng kanilang mga produkto. Kahit pa may mga isyu at usapin tungkol sa mga bakuna galing sa ibang bansa, detalye na lang ito.
May maganda ring mga pahayag mula mismo sa Palasyo. Ang budget para sa taong 2021 ay napirmahan na at makasisiguro ang lahat na walang maaantalang serbisyo mula sa pamahalaan. Kung kaya marami pa rin tayong dahilan para magpasalamat.
Higit sa lahat, ireserba natin ang pagtangi sa mga frontline health workers na nag-alay ng buhay, oras, dugo, pawis upang iligtas ang ating mga komunidad sa mas masahol pang kapalaran. Ngayong araw na ginugunita natin ang pagkabayani ni Jose Rizal, magpasalamat tayo at ipagdasal ang mga magigiting na kababayang ito at ang kanilang mga mahal sa buhay. Kung hindi dahil sa kanila, hindi tayo maitatawid patungo sa 2021.
- Latest