Pagpupugay at pasasalamat sa #ProudMakatizen Heroes
Sa gitna ng mga hamon ng pandemya, naging matatag na sandigan at tagapaghatid ng pag-asa at inspirasyon ang #ProudMakatizens na naglilingkod nang buong katapatan at pagmamalasakit sa kapwa. Kabilang sa kanila ang medical frontliners ng lungsod, mga lingkod-bayan, ordinaryong mamamayan at mga organisasyon.
Kamakailan, aming binigyang-pugay ang mga tinaguriang Maka-Heroes sa isang virtual awarding ceremony. Hinandugan din sila ng kagamitang pamproteksyon tulad ng portable UV light device, N95 mask, gloves, alcohol, foot baths at alcohol dispenser.
Binabati ko ang Maka-Buhay awardees – ang Health Workers ng Ospital ng Makati, Makati Swabbing Team, sina Rogelio Alvarez Jr., John Philip Lazaro, Chrisel Enero at Abel Oabel. Itinanghal din bilang Maka-Bayan awardees ang mga kawaning sina Wilmer Addun, Nico Mamuad, Reynaldo Alticen, at Reynaldo Parale Jr., kasama sina Kap. Thelma Ramirez ng East Rembo, Beverly Murillo ng Southside, Amie Rodriguez ng Cembo, at Kag. Cynthia Cervantes ng Bel-Air. Kinilala naman bilang Maka-Makatizen awardees sina Joel Advincula, Rodney Dela Cruz at ang AKRHO-Makati.
Taos-puso rin akong nagpapasalamat sa iba pang mga nominado dahil itinuturing ko kayong lahat bilang Maka-Heroes na kaagapay ng lungsod sa pagbangon mula sa krisis.
Bilang pasasalamat din sa kanilang buong tapang na pagharap sa panganib araw-araw, ipinamahagi namin ang 2,536 wellness kits sa medical frontliners ng OsMak, Makati Health Department at Incident Command Post. Laman nito ang grocery items, isang juice box at reusable tumbler, sandosenang donuts, at P500-food voucher.
Nauna rito, tiniyak ng lungsod na may sapat na personal protective equipment (PPE), shuttle services, hazard pay at libreng mass testing para sa frontliners at essential workers, pati na mga libreng bitamina at flu at pneumonia vaccine. Agad din naming inaprubahan ang pagtaas ng sahod ng aming nurses at pag-hire ng karagdagang medical workers.
Makaaasa ang bawat residente sa Makati na tuloy-tuloy ang ganitong serbisyo at inisyatiba ng lungsod na makakatulong at makakabuti hindi lamang para sa medical frontliners, kundi maging sa lahat ng #ProudMakatizens.
- Latest