Bata ang binenta (Huling bahagi)
KINATIGAN ng SC ang hatol ng RTC at CA kina Linda at Sally. Ayon sa SC, tumestigo ang apat sa mga dalagita at sinabing sina Linda at Sally na tinatawag nila na “Tita Linda” at “Ate Sally” ang kumuha sa kanila para magtrabaho sa internet café.
Ang pagkakapare-pareho ng kanilang testimonya pati ang paraan ng pagkuha sa kanila at pagbibigay ng paunang bayad sa kanilang mga magulang na ibabawas sa kanilang mga suweldo ang kumumbinsi sa hukuman. Si Nita na dati rin nagtrabaho sa internet café ni Ricky at pinababalik ay isa pa sa testigo. Ito ang unang elemento ng krimen.
Ang pangalawang elemento ay ang pagsasamantala nina Linda at Sally sa kamangmangan/kahinaan ng mga biktima kahit na walang elemento ng puwersa, pananakot o dahas at kasama pa ang pagpayag ng kani-kanilang magulang. Lahat sila ay galing sa mahihirap na pamilya at madali na maging biktima ng human trafficking.
Sa pangatlong elemento, napatunayan na ang layunin ng mag-ina sa trafficking ay para sa prostitusyon. Ang prostitusyon ay ang anumang paraan, transaksiyon o modus kung saan ang sangkot ay ang paggamit ng katawan ng isang tao para mairaos ang tawag ng laman kapalit ng pera o anumang konsiderasyon.
Parehong tumestigo ng malinaw at tugma sa sinasabi ng isa’t isa sina Nancy at Minda na sinabihan sila tungkol sa pagtatrabaho sa internet café, maghuhubad sila at magiging parte ng malalaswang palabas. Kahit hindi pa nasangkot ang mga biktima sa nasabing malaswang palabas maliban kay Nita ay hindi na importante. Hindi pa rin maitatanggi na ang layunin ng mga akusado ay ang gamitin ang mga biktima sa tinatawag na sexual exploitation.
Ang nakabigat sa kaso ng human trafficking kaya ito itinuring na qualified ay ang edad ng lahat ng 12 biktima na pawang menor de edad maliban kay Nita na 18-anyos. Lahat sila ay kinukunsiderang bata sa ilalim ng Section 6. Tama lang ang RTC at CA na hatulan sina Linda at Sally sa krimen at patawan ng habang buhay na pagkabilanggo pati pagbayarin ng multa (People vs. Leocadio and Leocadio, GR. 237697, July 15, 2020).
- Latest