Great Wall, Berlin Wall: Leksiyon ng pagkatao
ANANG kasaysayan, sa pagnanais na mamuhay nang mapayapa itinayo ng mga Chinese ang Great Wall. Dahil sa taas ng pader, anila, walang hukbo na makakaakyat at mapapasok ang kaharian.
Pero sa unang 100 taon ng Great Wall tatlong beses linupig ang China. At sa lahat noon, hindi na kinailangan ng mga kalaban akyatin ang pader. Sinuhulan lang nila ang mga guwardiya na buksan ang pinto.
Nabuo ng Chinese ang Great Wall, pero nakalimutan nila ang mahalagang pagbuo ng pagkatao ng mga guwardiya. Bagama’t sa mga siglo naging simbulo ng pader ang katatagan ng bansa, naging pananda rin ito na tatag ng pagkatao ang magpapasya.
Nabatid ng mga Chinese na ang pinaka-mabisang depensa kontra kalaban ay hindi ang pinatayog na pader kundi pinatunayang pagkatao.
Hindi mo maisisisi sa tadhana ang sinapit mo, kundi sa sarili.
* * *
Nu’ng panahong hati pa ang Germany ng Kanluran at Soviet bloc, pinaghiwalay ng konkretong pader ang West at East Berlin. Matindi ang away nila sa ideyolohiya.
Isang araw huminto sa pader ang malaking truck mula sa East, at nagtambak sa West Berlin ng pagka-baho-bahong dumi mula imburnal.
Kayang-kaya ng West Berlin gumanti at magtambak din ng basura. Pero hindi ‘yon ang nangyari. Wala pang isang linggo, may kasing laking truck mula sa West na huminto sa pader. Nagtambak ito sa East Berlin ng limpak-limpak na pagkain: prutas, keso, tsokolate. May bulaklak pa.
Sa tuktok ng tumpok ng regalo ang malaking karatula na nagsabing:
“Maibibigay mo lang kung ano ang meron ka.”
Muli, labanan ‘yon ng pagkatao.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest