EDITORYAL - Mga negosyanteng mapagsamantala, bantayan ng DTI
Kapag may kalamidad, asahan nang may mga negosyanteng magsasamantala. Itataas nila ang paninda para kumita ng doble o triple. Wala na sa kanilang diksyunaryo ang salitang “awa” o “konsensiya”. Sa Totoo lang, wala na silang konsensiya sapagkat naaatim nilang magtaas ng presyo kahit ang mga kababayan ay grabeng nasalanta ng bagyo at baha.
Pawang pagkita ng pera ang kanilang pinagkakaabalahan. Para kumita nang doble o triple, itataas nila ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng instant noodles, tinapay, gatas, kape, bigas, sardinas, asukal, asin at sabon. Sinasamantala nila ang pagkakataon para kumita nang malaki. Wala na sa kanilang puso ang awa sa mga nasalanta.
Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga mapagsamantalang negosyante sa Luzon na mahaharap sila sa mabigat na kaso kapag napatunayang nagtaas ng presyo sa mga pangunahing pangangailangan. Nagtakda ang DTI ng 60-araw na price freeze sa buong Luzon makaraang ideklara ng pamahalaan ang state of calamity dahil sa pananalasa ng mga Bagyong Quinta, Rolly at Ulysses ang bumayo sa Luzon na nagdulot ng pagkasira ng mga bahay at ari-arian at nagdulot din ng kamatayan. Grabeng pagbaha ang naranasan sa Marikina City, Rodriquez, San Mateo at Taytay sa Rizal at ganundin sa Cagayan at Isabela.
Mahigpit na nagbabala ang DTI sa mga may-ari ng establishment na mahaharap sila sa pagkabilanggo ng 1 hanggang 10 taon at multang P1 milyon kapag napatunayang nagtaas ng presyo ng bilihin. Hindi sila dapat magtaas ng presyo habang nasa state of calamity.
Hinihikayat ng DTI ang publiko na ireport sa kanila ang mga retailers, distributors at manufacturers na nagtataas ng presyo at agad nilang aaksiyunan ang reklamo. Ang kanilang One-DTI hotline ay 1-384 o sa kanilang email: [email protected]
Siguruhin ng DTI na mapaparusahan ang mga magsasamantalang negosyante. Kailangang masampolan sila para hindi na pamarisan ng iba pang nais magsamantala.
- Latest