Quarrying operation sa Rodriguez, ipasara na!
NANAWAGAN ang mga residente ng Marikina City at kalapit na lugar na binaha ng bagyong Ulysses kay President Digong na ipasara na ang malakihang quarrying operation sa Rodriguez, Rizal para permanenteng mawala na ang sakit ng ulo nila tuwing may bagyo. Kapag sarado na ang quarry operations, tinitiyak ng mga residente na maiiwasan na ang paglubog ng kanilang bahay at pagwasak ng kanilang naipundar na kagamitan at kabuhayan.
Sa kanilang panawagan kay President Digong sa social media, sinabi ng mga residente na puro kaba at nerbiyos ang nararamdaman nila kapag inaanunsiyo ng PAG-ASA na may darating na bagyo dahil alam nila na lulubog na naman ang lugar nila dahil mababa ito o malapit sa Marikina River. Ayon pa sa kanila, hindi lang sinisira ng quarrying ang kalikasan kundi naging primerang dahilan ito ng pagbaha, hindi lang sa Marikina at Pasig kundi maging sa mga bayan ng Rodriguez, San Mateo, Cainta at Taytay sa Rizal.
Maging si Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ay itinuturo ang quarrying sa Rodriguez na isa sa mga dahilan sa pagbaha ng kanyang siyudad na naglalagay pa ng peligro sa buhay ng kanyang mga constituents. Hindi masabi ni Teodoro kung sinusuportahan n’ya ang panawagan na ipasara ang quarrying operations subalit iginiit n’ya sa management nito na gawin ang tama para maiwasang makapinsala ito sa kabuhayan at buhay ng tao. Dipugaaaa!
Idiniin ni Teodoro na ipinahinto na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang quarrying operations sa Rodriguez dahil sa malawakang pagbaha ng Marikina at kalapit na lugar noong panahon ng habagat. Subalit lumipas ang mga taon ay pinayagang muli na mag-operate ito, matapos lakarin ng isang dating mataas na opisyal ng DENR. Magkano? ‘Yan ang tanong ng mga apektadong residente.
Hinikayat din si Teodoro ang management ng quarrying company na ‘wag puro kita lang ang isipin kundi unahin din ang kapakanan ng mga kababayan nating Pinoy. Idinagdag pa ni Teodoro na maaring kumikita ng limpak-limpak na salapi ang kompanya ng quarry subalit sinisira ng bagyo ang mga ari-arian ng mga Pinoy at may iilan pang nagbuwis ng buhay.
Hiniling din niya sa DENR na suspendihin muna ang operations ng kompanya ng quarry habang hindi pa nagkaroon ng kongkretong proyekto para mapahinto ang pagbaha sa kanyang siyudad dahil sa anunsiyo ng PAG-ASA na may darating pang tatlong bagyo sa bansa bago magtapos ang taon. Dipugaaaa! Di makatulog ang mga residente ng Marikina at mga binahang lugar kapag may bagyo, di ba mga kosa? Hehehe! Weder-weder lang talaga, no mga kosa?
Ang itinuturo ng mga residente na nasa likod ng malakihang quarrying operations sa Rodriguez ay itong Majestic Earth Core Ventures Inc., kung saan isang congressman ang top official nito. Hinihintay ng mga naapektuhan ng pagbaha ang desisyon ni President Digong sa panawagan nila na ipasara ang quarry operations sa Rodriguez sa lalong madaling panahon. Dipugaaaa! Abangan!
- Latest