Tumataginting na pondo na naman
Iiwasan ko muna sana sa pagsisimula ng Go North itong nakaririnding pagpaslang kay Pangasinan broadcaster Virgilio Maganes, 62, sa Villasis, Pangasinan noong Martes ng umaga, ngunit talagang mahirap hindi bigyan ng pansin ang kawalanghiyaang ito.
Galaw galaw naman diyan mga awtoridad sa Pangasinan!
* * *
At ayan, tatanggapin ng mga tobacco-producing provinces ang P18-B share nila sa Tobacco Excise Tax (RA7171). Kasama sa mga tatanggap ang Pangasinan.
Aabot sa P14.4 bilyon ang tatanggapin ng Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Misamis Oriental dahil sa pagtatanim ng mga magsasaka ng Virginia-type na tabako. Aabot naman sa P3.16 bilyon ang tatanggapin ng Kalinga, Pangasinan, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Tarlac, Occidental Mindoro, Maguindanao at North Cotabato.
Napakalaking halaga na naman ito na sana ay magamit sa kapakanan at kagalingan ng mga magsasaka ng tabako.
Sa matagal na panahon na taun-taong tinatanggap ng mga probinsiyang nabanggit ang bilyun-bilyong 7171 tax share nila, ang tanong— saan napupunta ang mga ito?
Ayon sa mga state auditors na gumagampan pa rin sa kanilang sinumpaang tungkulin, karamihan ay “ghost projects” at mga proyektong “pampapogi” ng mga pulitiko.
Sa iba namang auditor ay napipilitang ipinipikit na lamang ang kanilang mata kung hindi man sila tinatakot o pinapaslang.
Paikut-ikot lang ang mga istorya sa 7171, Mr. President. Sana isa ito sa pagtuunang usisain ng “Mega Task Force” ni DOJ Sec. Menardo Guevarra kontra katiwalian at panagutin ang may sala.
Naku, baka walang matira sa kanila kapag sinuspende ni Idol Samuel Martirez ang mga iyan!
Sa kabilang banda, ilan na rin ang naparusahan dahil sa “magic” na ginawa nila sa 7171. Ngunit yaong mga mas magagaling mag-magic ay hindi pa rin.
Nasampolan noon ang mayor sa Ilokoslovakia ng Ombudsman at Sandigan dahil sa pag-magic ng P400K. Pero kung sino man ang nasa likod ng pagpopondo sa nasa mahigit P200 milyong dancing fountain na ‘di man lang ma-enjoy ng mga magsasaka ng tabako at kapamilya nila, bibung-bibo pa rin!
* * *
Para sa inyong mga suhestiyon: [email protected]
- Latest