Imahe ng Pinas ang nasira
Ang embahador ay hindi lamang kumakatawan sa namumuno ng isang bansa. Siya ang kinatawan ng bawat mamamayan. Kaya ano mang masama na kanyang ginawa ay isang batik sa bawat mamamayang kinakatawanan niya.
Nakakadismaya ang ginawang pagmamaltrato ng isang lady ambassador ng Pilipinas sa Brazil sa kanyang kasambahay na Pilipino rin. Hindi ito maipagkakaila porke may video na makapagpapatunay nito na marahil nakita na ng marami sa atin.
Ang katampalasanan ng naturang embahador na si Marichu Mauro ay mag-iiwan ng masamang impresyon sa international community na ang bawat Pilipino ay brutal at malupit. Hindi ko lang matiyak kung ang sugong ito ay isang politikal appointee o career official.
Ngunit ano man ang status ng kanyang pagkakatalaga, hindi lamang suspensyon o pagtitiwalag ang dapat niyang maging parusa kundi ang ano mang parusang itinatadhana ng batas sa ganyang mga kaso.
Nauna nang ini-recall ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin ang naturang embahador upang papagpaliwanagin sa naturang kaso.
Pero sabi nga, kitang-kita sa video ang ebidensya. Kahit ano man ang nagawang mali ng kasambahay, maliban na lang kung may tangan na sandata at tangka siyang utasin, walang balidong dahilan upang ang amo ay manakit.
Ang utos ng Pangulo ay siyasatin na ang embahador na ito. Huwag sanang patagalin ang imbestigasyon upang mapabilis ang proseso at mapatawan ng karampatang hustisya ang paglabag.
- Latest