EDITORYAL - Lambatin ang malalaking isda sa ‘pastillas’ scheme
Marami pang kasangkot na opisyal ng Bureau of Immigration sa tinaguriang “pastillas” scheme at ilan sa kanila ay “malalaking isda”. Marami na silang nakamal na pera mula sa mga Chinese na pumapasok sa bansa lalo ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs). Bawat Chinese ay naglalagay umano ng P10,000 para walang aberya ang kanilang pagpasok sa bansa.
Sa dami ng mga Chinese na pumasok sa bansa mula pa noong 2017, nakapagbulsa na umano ang mga korap sa Immigration ng P40 bilyon. Ito ang nahalungkat ng Senado sa ginawang pagdinig kamakailan. Sabi ni Sen. Risa Hontiveros, chairman ng senate committee on women tungkol sa modus sa Immigration, bukod sa pastillas scheme, mayroon pang Visa-upon-arrival (VUA) policy na ipinatutupad sa mga dayuhang pumapasok sa bansa na kumikita rin ang mga taga-BI.
Ipinaliwanag ni Hontiveros na sa ilalim ng pastillas, ang pera ay pumapasok sa airport saka ibinibigay sa immigration officers habang sa VUA transactions naman ay diretsong napupunta ang suhol sa main office kung saan inaaprubahan ang mga visa.
Lumalawak pa at dumarami pa ang mga sangkot na opisyal sa ‘‘pastillas’’. Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), base sa lifestyle check na isinagawa nila sa mga opisyal at empleyado. hindi nagtutugma ang kanilang sahod sa kanilang yaman. Ang mga kotse nila ay sports utility vehicles. Ayon sa NBI, sa statement of assets, liabilities, and net worth ng isang opisyal na may sahod na P32,000 kada buwan, may net worth ito na P27.9 milyon. At ang nakapagtataka, may isang security guard sa BI na ang sahod ay P14,000 pero ang kanyang net worth ay mahigit na P10 milyon.
Mga “maliliit na isda” pa lang ang nalalambat. Mas marami ang masisiyahan kung ang mga “malalaking isda” ang mahuhuli. Nararapat nang mawakasan ang mga katiwaliang nagaganap sa Immigration. Kailangang maparusahan na ang mga matatakaw sa ahensiya lalo ang “malala-king isda”.
- Latest