Pilipinas masasaklot muli ng dayuhan
IKA-13 ng Agosto 1898 nang ipasaklot ng mga kolaboretor ng America ang Maynila. Naagaw ang tagumpay ng Katipunan sa Himagsikan laban sa Kastila. Patayan, pang-aapi at karalitaan ang namayani nang 42 taon.
Mag-ingat. Nilulupig tayo ng China ngayon sa ibang paraan.
Garapal ang pakana ng China. Nais gawing pambansang boundary niya ang “nine-dash line” sa West Philippine Sea. Aagawin ang 80% ng ating exclusive economic zone at 100% ng extended continental shelf sa dagat. Mahigit ito sa 30 milyong ektarya ng lupain natin. Mawawala lahat ng ating isda, langis, gas, at minerals. Dapat ipagtanggol natin ito.
Garapal din ang estratehiyang China. Binu-bully ang Pilipinas na tanggapin ang nine-dashed line. Nagtatatag nang malalaking air at naval bases sa Spratlys. Pinapasok ng destroyers at frigates na armado ng missiles ang ating EEZ. Pinupupog ng Chinese fisheries militia ang ating teritoryong dagat. Tinututukan ng armas ang mga patrolya natin. Binabangga ang ating mga bangkang pangisda. Lahat ‘yan ay para tanggapin natin ang nine-dash line.
Malamya ang tugon ng opisyales: Hindi aangal, sa halip sisipsip sa China, ang Pilipinas. Isantabi ang tagumpay ng Pilipinas noong 2016 sa Permanent Court of Arbitration, sa hangad na pautangin ng China. Tanggihan ang joint patrols sa Vietnam o Malaysia sa ating EEZs, dahil baka magalit ang China. Inaayawan ang FONOPS (Freedom of Navigation Operations) ng U.S., Britain, France at Australia maski ito ang pinakamalakas na pagpapatupad ng arbitral ruling laban sa China.
Tinanggihan ng Pilipinas ang anyaya ng Vietnam na linawin ang magkapatong nating ECS sa Spratlys, muli para hindi magalit ang China, miski saad ‘yon ng arbitral ruling. Ni ayaw natin i-file sa UN ang sariling ECS claim gaya ng Malaysia at Vietnam, para hindi magalit ang China.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest