Pagwasak ng China sa bahura: 2 milyong kilong isda nawawala
KAHAPON tinalakay ko ang 1.2 bilyong kilo ng isda na ninanakaw ng China sa Pilipinas kada taon. ‘Yan ay sa 270 lantsang Hainanese pa lang sa paligid ng Subi at Mischief Reefs. Pagkain na ‘yan ng 28.6 milyong Pilipino, o 6.8 milyong pamilya, sa anim na buwan.
Bukod sa nakaw, nawawalan din ng isda ang Pilipinas dahil sa pagwasak ng China ng bahura. Milyong kilo pa ‘yon kada taon.
Pito lahat ang bahurang patuloy na kinokongkreto ng China bilang island fortresses mula pa 2013. Bukod sa Subi at Mischief, tinambakan ang Hughes, Fiery Cross, Gaven, Johnson South, at Cuarteron Reefs. Binabasag din nila ng propeller ng pang-industriyang lantsa ang corals sa Scarborough Shoal para nakawin ang taklobo. Lahat ‘yan ay sa West Philippine Sea, 800 milya sa labas ng dagat ng China. Mawawasak ang pangisdaan, babala ni marine ecologist Dr. John McManus ng University of Miami na nag-aaral ng bahura sa WPS.
Itlogan, kainan, tirahan ng isda ang corals. Kada taon nagdudulot ng 15 toneladang isda ang bawat isang kilometro kuwadrado ng corals, ani Australian reef consernationist Dr. F. Talbot. Sa masisigla’t protektadong reefs tulad ng Tubbataha umaabot pa ito nang 37 tonelada, ani National Scientist Dr. Angel Alcala, dating environment secretary.
Masisigla ang pitong bahura nu’ng una. Winasak ng dredgers galing Guangzhou mula 2013 (sa Mischief noon pang 1995). Nilaspag ang Scarborough Shoal mula nang solohin ng China nu’ng 2012.
‘Di bababa sa 124.32 kilometro kuwadrado ng corals ang patuloy na winasak, anang Permanent Court of Arbitration sa The Hague.
Samakatuwid, kung ang konserbatibong 15 tonelada ang pagbabatayan, nawawalan ang mga Pilipino ng 1,865 tonelada, o 1,865,000 kilo kada taon dahil sa paglaspag ng China sa bahura natin.
Bully ang China. Sinasamantala ang pagka-abala ng mundo sa COVID-19 pandemic para magdagdag ng militar nila sa bahura natin.
- Latest