Karapatan, kapakanan ng PWD itaguyod (muli)
Tumatak sa isip ang eksena sa carnival freak show noong binata ako. Naawa ako sa lalaking binansagang “Ang Taong Pato” na nakaupo sa loob ng karton ng gatas. Dikit-dikit ang balat at laman ng mga daliri niya sa kamay at paa; bansot siya; tabingi ang mga binti kaya ‘di makatindig; matanda lang nang konti sa akin. Kinukutingting niya ang laruang gitara, sa palakpak ng mga nagbayad manood. ‘Di raw siya makakain o gala mag-isa. Bakas ang lungkot sa mga mata niya nang magkatitigan kami.
Ipinagbabawal na ngayon ng batas ang freak show. Pati pagbansag na “freak” sa mga may kapansanan ay mapaparusahan. Inatas ng Rights of Persons With Disability Act (2016) sa gobyerno na tiyakin ang patas na trato, dignidad ng buhay, at respeto sa kakayahan. Kaya dapat akma ang mga patakaran, alituntunin, at programa para sa kanila. Nauna ru’n, 1991, ang R.A. 7277, ang rehabilitasyon, sariling pag-unlad, at sariling asa sa pamamagitan ng paglahok sa kanila sa lipunan.
Nakaligtaan ang karapatan at kapakanan ng mga bulag, pipi, bingi, lumpo, at may kapansanan sa pag-iisip noong lockdowns. Tinuring silang mga walang silbi – pabigat pa nga. Basta ikinulong sila sa bahay na animo’y dapat nasa isang tabi lang. Kinaligtaan ang kanilang pangangailangan, na maaring kaya naman nila gampanan nang sarili kung binigyan ng pagkakataon.
Binaril ng pulis sa checkpoint ang sundalong battle-shocked kasi makulit daw bagama’t nagpapaliwanag ang mga kaanak. Ginulpi ng mga barangay tanod ang binatang autistic dahil pabalik-balik na nagtitinda ng isda sa kanto nang walang face mask. At umapela ang mga bulag na masahista sa malls na payagan sila muli na maghanapbuhay nang hindi maiimpekta o makakaimpekta ng COVID-19. Maraming PWD na hindi makapagpatingin sa doktor dahil ayaw sila at mga alalay na pagalain.
Mabuti pa si Mayor Joy Belmonte namigay ng ayuda sa PWD sa Quezon City. Sana tularan ng iba ang pag-alala niya sa sitwasyon nila.
- Latest