Walang katapusan ang misyon (Huli sa 2 bahagi)
BASE sa konseptong ito, puwedeng ilagay ng mga tao sa kanilang kamay ang kapangyarihan na lumikha ng batas matapos magparehistro ng isang petisyon na pirmado ng sampung porsyento (10%) ng mga rehistradong botante kung saan ang bawat distrito ay kinakatawan ng tatlong porsyento (3%) ng mga rehistradong botante (Section 32, Article VI, 1987 Constitution).
Ang batas (Republic Act No. 6735) o ang tinatawag na “Initiative and Referendum Law” ang magagamit natin. Sa tulong ng batas na ito, ang mga tao mismo ang maaaring magpanukala ng batas na magbibigay sa ABS-CBN ng panibagong 25 taong prangkisa. Kaya kung 75% ng ating mga kababayan ang naniniwala na hindi tama ang naging aksyon ng kongreso, dapat nilang suportahan ang petisyon sa pamamagitan ng people’s initiative at magparehistro sa umiikot na kampanya para makakuha ng kinakailangang pirma ayon sa dikta ng batas (Constitution and RA 6735).
Sa totoo lang ay hindi pa nawawalan ng pag-asa ang may 11,000 empleyado ng network. May paraan pa para patuloy nilang masustentuhan ang kanilang pamilya at hindi sila tuluyang mawalan ng kabuhayan. Ako mismo ay natutuwa at nagkakaroon ng lakas ng loob na malaman na hindi pa huli ang lahat para sa ABS-CBN na patuloy sa misyon nito na maglingkod sa mga kababayan nating Pilipino.
Ako rin ay nabigyan ng pagkakataon ng ABS-CBN para maglingkod sa tulong ng programang Kapag May Katwiran, Ipaglaban Mo, na isang legal drama anthology na tumatalakay sa mga naging desisyon ng Supreme Court sa mga napapanahong kaso at batas.
Bukod sa TV program na ito ay binigyan din ako ng pagkakataon ng ABS-CBN na magbigay ng payo sa ating mga kababayang Pilipino isang beses kada linggo sa Tulong Center nito na nasa loob mismo ng compound ng network. Ang mga pagkakataong ito ay importanteng paraan ng serbisyo publiko dahil hindi katwiran ang kawalan ng kaalaman para hindi tayo sumunod sa batas. Ayon nga sa wikang latin: “Ignorantia legis neminem excusam”.
- Latest