Anti-Terror act kinuwestyon sa Korte Suprema
Totoo ang banta ng terorismo sa buong daigdig, at ang bawat bansa ay may kani-kaniyang batas na ipinatutupad upang labanan ito. Tayo, ngayon pa lang nagkaroon matapos lagdaan ni Presidente Duterte ang RA 11479 o Anti-Terrorism Law of 2020.
Kaso, may mga nasilip ang mga tumututol dito na probisyong puwedeng abusuhin at gamitin laban sa mga matatalas ang dilang tumutuligsa sa pamahalaan. Pinangangambahang ito’y isang uri ng pananakot at banta sa kalayaan sa pamamahayag. Kasama riyan ang warrantless arrest at pagkulong sa mga suspect sa matagal na panahon kahit wala pang naisasampang demanda.
Kaya wala pang 24-oras matapos lagdaan ito ng Pangulo, isang grupo ng mga abogado at samahang sibiko ang nagharap ng petisyon sa Korte Suprema at humihingi ng Temporary Restraining Order sa implementasyon ng batas. ‘Yung iba’y nagsagawa ng rally para tuligsain ang batas na anila’y salungat sa itinatadhana ng Konstitusyon.
Mayroon ding mga mambabatas sa panig ng oposisyon na mahigpit ang pagtutol sa batas at nangakong hihingin nila ang saklolo ng Korte Suprema. Tinatawag nila ang batas na oppressive o mapaniil at inconsistent o hindi tugma sa probisyon ng Konstitusyon.
Maganda nga na ang Korte Suprema, bilang final arbiter sa mga legal na usapin ang siya nang magbigay ng pinal na hatol kung tama ba o mali ang batas na ito. Kung kakatigan, ipatupad ito nang mayos at patunayan ng pamahalaan na hindi ito instrumento para hadlangan ang malayang daloy ng demokrasya.
Kung hindi naman, paraanin muli ito sa proseso ng lehislatura at gamutin ang mga depekto. Kailangan kasi na magkaroon ng epektibong batas laban sa terorismo na siyang tunay na panganib sa daigdig na higit pa sa pinagkakaabalahan ngayong pandemya. Malay natin, baka ang pandemyang ito ay kasama sa plano ng terorismo?
- Latest