ABS-CB-End?
Sobrang pahirap at insulto ang ginawa sa ABS-CBN. Bukod sa pagtsutsubibo ng Kongreso sa renewal ng prangkisa ng network, ngayon naman, sinabi ng National Telecommunications Commission (NTC) na ilegal ang pagsasahimpapawid nito sa SKY Cable at sa TV Plus. Muli, nagpalabas ito ng panibagong cease and desist order.
Kaya noong nakaraang Martes ang huling pagsasahimpapawid ng ABS-CBN sa TV Plus. Dapat sana, nang unang maglabas ng cease and desist order ang NTC, antimano ay pinatigil na rin ang cable services nito at ang TV Plus.
Ngunit pinayagan ang Philippines’ largest network na magbrodkas sapul nang pinatigil ang pagsasahimpapawid sa free TV noong Mayo dahil sa napasong prangkisa. Ano iyan, rubbing salt to the injury? Bakit ngayon lang ito sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Córdoba sa harap ng Legislative Franchise hearing ng Mababang Kapulungan?
Kung magkagayon, di ba’t kapalpakan ito ng NTC at dapat kastiguhin ang gumawa ng malaking pagkakamali? Aba eh, napakalaking kapabayaan na magsahimpapawid nang ilegal ang isang pribadong istasyon ng radyo at telebisyon!
Isa pa, bakit pinaiikot pa na parang tsubibo ng Kongreso ang ABS-CBN at binibigyan ng pekeng pag-asa na magkakaroon ng bagong prangkisa ang network? Sa tingin ko, ito ay malaking moro-moro. Kunwari ang Department of Justice ay pabor sa renewal pati na ang ilang mambabatas para palabasing hindi sila dinidiktahan ni Presidente Duterte.
At bakit nakapagpalabas ng bagong cease and desist order ang NTC gayung ibinasura kamakailan ng Korte Suprema and quo warranto petition ng Solicitor General laban sa ABS-CBN. Lupet!
Nagmumukhang kawawa tuloy ang mga opisyal at empleyado ng network na nakikiusap sa gobyerno na i-renew ang kanilang prangkisa. Dapat diretsahin na lang sila at sabihing hindi na irerenew ang kanilang prankisa. Alam naman ng lahat na si Duterte ang nangungunang nanggagalaiti sa galit sa ABS-CBN sa dahilan na batid na ng bawat Pilipino. Tama na sana ang drama at aminin na lang na ang pagpapasara ng ABS-CBN ay ang tunay na kagustuhan ng Presidente.
- Latest