Komentaryo: Pag-unawa at pagiging sensitibo sa mga Pinoy abroad
MANILA, Philippines — Pinalungkot ng pandemyang ating hinaharap ang paggunita ngayon (ika-16 ng Hunyo) ng International Day of Family Remittances. Noong ika-12 ng Hunyo taong 2018, inaprubuhan ng United Nations ang petsang ito bilang araw ng pagbibigay-pugay sa kontribusyon ng mga migrante sa pamamagitan ng kanilang mga padala (remittance).
Paano ka nga naman magiging masaya para sa ating mga Pinoy abroad kung ilan sa kanila’y natanggal sa trabaho, nawalan o nabawasan ng kita, napa-uwi nang biglaan at nagkasakit ng coronavirus disease (COVID-19)?
Isang estimasyon na ginawa ng isang sentro sa Pamantasang Ateneo de Manila ang nagsabi na 300,000 hanggang 400,000 Pinoy abroad ang maapektuhan ng pandemya, ng pabagu-bagong presyo ng langis, at ng mga recession sa mga bansa. Hindi rin nakagugulat na may 1,028 na mga umuwing Pinoy abroad ang tinamaan ng Covid-19, ayon sa datos noong ika-5 ng Hunyo ng Kagawaran ng Kalusugan.
Hindi rin po nakagugulat na liliit ang mga padala nilang pera sa Pilipinas. Sa naturang ding pag-aaral ng Ateneo de Manila, mula US$3 bilyon hanggang US$6 bilyon ang mababawasan sa mga padala nila ngayong taon. Mas mababa ito kumpara sa US$30.13 bilyon na pinadala noong 2019.
Sana lang may sapat na ipon ang mga kababayan nati sa abroad bago pumutok ang pandemya. Baka nga nagkulang pa sila ng ipon at ng kita.
Hindi magiging madali ang pagpupursigi ng mga Pinoy abroad na makabawi sa mga susunod na buwan at taon. Pati rin ang mga bansa at mga nagesyo ay may ganito ring pagtingin, kaya damay rin ang mga migranteng manggagawa. Tila sa mga panahong ito, mga pangunahing mga pangangailan sa buhay at paglalaan ng gastos sa kalusagan ang importante para sa mga Pilipino—nag-abroad man o hindi.
Oo at tila “mataas” ang kinikita ng mga Pinoy abroad, pero mataas din ang antas ng pamumuhay nila sa abroad. Hindi nakagugulat na baka may mga naitabi sila sa kanilang mga alkansya o bank account. Pero sa likod ng mga kita at ipon na iyan ay ang kanilang mga paghihirap, kalungkutan, paga-alala, at ang pagsabing mas mahal pa nila ang pamilya kaysa sa mga sarili nila.
Halimbawa: Hindi biro ang hinarap ng ating mga marino nitong kasalukuyang pandemya dahil katabi nila ang mga posibleng may COVID-19 sa mga work station nila sa barko. At kapag naka-quarantine sila, magdarasal ka nalang na sana maayos pa ang kanilang pag-iisip. Isang Pilipinang marino ang nagpakamatay kamakailan.
Hindi rin biro para sa mga kamag-anak sa Pilipinas ang mag-alala kung nagka-COVID ang mga mahal nila sa buhay sa abroad. Iyung iba sa kanila, lalo na ang mga nars at doktor, pumanaw na.
Bunsod ng mga balitang ito, isa pang papel ng Pamantasang Ateneo de Manila ang nagsabing maging sensitibo sana ang mga opisyal at mga kababayan natin sa kalagayang pampinansyal ng mga Pinoy abroad. May mga nagsasabi kasi na kaya pa nilang magpakatatag at (kung posible) magpadala pa nang mas malaking remittance—tulad noong nakarang pandaigdigang krisis noong 2008. May mga negosyante pa nga na nagbebenta pa sa kanila ng mga bagay na tila hindi naman kailangan sa ngayon.
Ang tema ngayong taon ng International Day of Family Remittances ay “Building resilience in times of crisis.” Resilience o katatagan ng loob, ang sinusubok ng pandemyang ito sa mga nagpapadala ng pera at ng pagmamahal sa pamilya. Pero sa bigat ng mga kaganapan sa mundo ngayong taon, tila napuno na ang pasensya at katatagan ng mga Pinoy abroad.
Magiging malaking tulong sa mga Pinoy abroad kung sensitibo tayo sa kasalukuyan nilang paghihirap. Sinisikap nilang magpakatatag kahit ibang klaseng paghihirap ang idinulot ng pandemyang ito. Dasal ang maari nating ibigay sa mga Pinoy abroad: na sila’y iligtas sa sakit at panganib; na sila’y lumalaban pa kahit papaano at nagtatrabaho pa o nagkaroon ng bagong trabaho; na humaba ang pisi ng pag-unawa ng mga kapamilya nila.
Nagpapatakbo ng isang grupong nonprofit si G. Jeremaiah Opiniano. Siya rin ay nagtuturo ng pamamahayag (journalism) sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Email: [email protected]
- Latest