Inilibing nang buhay (Huling bahagi)
TUMESTIGO rin ang station commander na si Santos tungkol sa ginawang pag-amin sa kanya ni Gani na ibinaon nito ng buhay ang sanggol. Idagdag pa na ayon sa pagsusuri ng medico legal na nakadeklara sa kanyang ulat na base sa kondisyon at kulay ng baga ay napatunayan na buhay pa ang sanggol bago inilibing nang buhay. Kahit si Layla ay nagpatunay na nakiusap siya sa ama na tumawag ng hilot pero walang tinawag ang lalaki. Ayon din kay Layla ay isinilang niya ang sanggol na “buhay po at mabilog at malakas ang uha na malusog” pero kinuha ng tatay niya ang sanggol mula sa kaniya at hindi na niya muling nakita pa.
Tama raw na kinunsider ng korte na nakabigat sa kaso ang ginawang paggamit ng lakas at dilim ng gabi kahit hindi ito binanggit sa impormasyon o napatunayan man lang sa paglilitis. Pero hindi maitatanggi na kinuha niya ang sanggol mula sa ina nito pagkatapos na maipanganak, hubad at saka walang awang inilibing na buhay. Ang dilim ng gabi ay sirkumstansiyang nakatulong sa paggawa ng krimen.
Ang pagpaplano sa krimen ay hindi napatunayan ayon sa SC. Walang ebidensiya na pinagplanuhan ni Gani ang ginawang pagpatay sa sariling anak. Dapat itong mapatunayan sa mga panlabas na kilos ng akusado at sa pagitan ng oras o panahon na dumaan para pag-isipan niyang mabuti ang resulta ng kaniyang ginawa. Sa kasong ito, alas-siete naipanganak ang sanggol at alas-otso naman ng mismong gabing iyon ay ibinaon ng buhay. Hindi masasabing nagkaroon ng sapat na panahon ang akusado na pagplanuhan ang krimen kung may isang oras lang siya para mag-isip sa gagawin.
Hindi rin masasabi na may diperensiya sa pag-iisip o baliw ang akusado. Ang ginawa niyang pagtanggi na tumawag ng hilot at ang pamimilit niya na siya na lang ang magpapaanak kay Layla ay nagpapakita na sadya niyang gustong itago sa mga kapitbahay ang tungkol sa pagsilang ng sanggol. Ang ginawa rin niyang pagsisiga ng apoy sa ibabaw ng puntod ng sanggol ay bunsod ng hangarin na mapagtakpan ang krimen at hindi dulot ng pagdidilim ng kanyang pag-iisip. Taliwas ay ipinakikita pa nga nito na nasa hustong pag-iisip ang akusado at sinadya niyang gawin ang lahat para mapagtakpan ang kanyang mga krimen. (People vs. Morales, G.R. 44096, April 28, 1993).
- Latest