Paglalarawan: Therapy, ebidensiya ng genocide
Binigyan si Abdul Jabbar, 9, ng colored pencils at hinikayat ilarawan ang mga nasaksihan niya sa Darfur. Tulad ng daan-libong iba pa, pinalayas siya sa baryo na inatake ng Sudanese army at malulupit na mersenar-yong Janjaweed, o “lagim na naka-kabayo”. Nagtitiyaga si Abdul Jabbar sa refugee camp -- pero mabuti’t buhay siya. Inilarawan niya ang sinapit ng mga hindi nakaligtas: paslit na hinahagis sa apoy; sa gilid ng larawan ay tao na binalot ang ulo at binaril nang malapitan; sa ilalim ay unipormadong sundalo na pinupugutan ang lalaki.
Kinalap ng NGO na Waging Peace ang larawan at daan pang ibang mga bata. Naging gamit ‘yon para mailabas nila ang pighati, galit, at takot -- paraan ng psychotherapy para maibalik sa normal ang mga bata.
Pero gagamitin din ang mga larawan sa International Criminal Court na ebidensiya ng genocide sa Darfur simula noong 2003. Ang bersiyon ng gobyerno ni Sudan President Omas al-Bashir ay kesyo naglimitadong pagsupil sa ilang mga rebelde. Pero pinabubulaanan ng mga larawan ng mga bata ang tangkang itago ang mga tunay na kaganapan.
Magkakahawig ang mga eksena sa mga larawan ng mga bata, bagamat hindi sila magkakakilala at natagpuan sa magkakaibang refugee camps. Naroon ang mga helicopter gunships na dumadagit para masingganin ang mga natutulog na taga-baryo. Tapos dumarating ang mga naka-kabayo o -camel na Janjaweed na namamaril at namumugot, kasunod ang mga unipormadong sakay ng army pickups na may machineguns sa likod. Detalyado pa ang kislap ng mga badge, pruweba na sundalong Sudanese sila na nilusob ang mga walang armas na sibilyan.
Dati nang ginawang ebidensiya ng genocide ang dra-wings ng mga musmos. Sa Holocaust war-crimes trials sa Israel at Frankfurt, pinresenta ang mga larawan mula Theresienstadt, kampo sa Czechoslovakia kung saan ipiniit ang 12,000 batang Hudyo bago i-gas chamber. Gagamit din ng drawings sa paglilitis ng pagmasaker sa Rohingyas sa Myanmar.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest