Kakaibang bilyonaryong nagpapamigay ng lahat
May matandang lalaki sa America na karaniwan sa lahat ng kilos pero isa palang bilyonaryo. Labis siyang matipid at walang ere. Sa edad-89 umuupa sila ng misis ng apartment sa San Francisco. Pagkain: sandwich at gatas. Sa miting naka-ordinaryong damit, hindi designer. Nagbu-bus o tren siya, at imbis na briefcase ay sa plastic bag lang ang papeles. Lahat ng bilyon-bilyong dolyar na kita niya ay ipinamimigay sa kawanggawa at mga pamantasan. Sa kanya kumuha ng inspirasyon sina Warren Buffet at Bill Gates sa pamimigay ng yaman. Siya si Chuck Feeney.
Limpak-limpak na ang kinita at patuloy na kinikita ni Chuck sa negosyo. Bata-bata pa siya namigay na siya ng $8 bilyon sa programa sa public health. Sa Cornell University, $588 milyon; sa University of California, $125 milyon; sa Stanford, $60 milyon. Sa labas ng America tumustos siya ng $1 bilyon sa pag-ayos ng isa at pagtayo ng pitong pamantasan sa Ireland, bukod sa dalawa sa Northern Ireland. Ang pandaigdigang charity niya ay para sa mga batang may cleft palate.
Mas nakakagulat, hindi siya nagpapakilala sa pagbibigay. Parating anonymous. Walang publisidad. Nalaman lang ng mundo na siya pala ang donor dahil sa napabalitang business dispute ng kompanya niya. Isa pala siya sa founders ng Duty Free Shoppers Group. Founder din siya ng The Atlantic Philanthropies, isa pa pinaka-malaking pribadong charity.
Nang tanungin kung bakit ipinamimigay lahat, ikinuwento niya ang fox na nanginain sa hardin at tumaba sa prutas kaya nakulong doon. Hindi ito kumain nang tatlong araw para pumayat at magkasya sa sinuutang butas sa pader. Kinatapusan, ang tiyan nito ay kasing payat noong bago siya magpakabundat.
Isinisilang ang tao na hubad at mamamatay nang nag-iisa, aniya. Hindi madadala ang yaman at kasikatan na ginugulan ng panahon.
* * *
Makinig sa Sapol, pansamantalang nilipat tuwing Biyernes, 10:00 a.m. – 12:00 nn, DWIZ (882-AM).
- Latest