Mga kuwentong giyera ng ating henerasyon
MULA pagkabata ay mahilig akong makinig sa mga kuwento ng matatanda tungkol sa Panahon ng Hapon. Nawakwak ang hita ng tiyuhin ko sa tama ng machinegun mula sa eroplano. Maaksiyon ang alaala ng tatay ko ng dogfight ng pilotong Amerikano at Hapon sa taas ng Manila Bay. Ilan pang tiyuhin ang nag-gerilya matapos sumuko ang US Armed Forces in the Far East sa Bataan. At nu’ng Liberation binitay ang isang opisyal ng Japanese Occupation Army sa bakuran ng bahay ng nanay ko.
Hindi ko akalain noon na sa henerasyon nating mga Baby Boomers na sinilang matapos ang liberation ay magkakaroon din ng maaaksiyong kuwento ng giyera.
Kino-cover ko ang 1996 peace talks ng gobyerno at Moro National Liberation Front nang isama ako ni chairman Nur Misuari sa speed boat mula Zamboanga City tungong Cotabato. ‘Di kalayuan sa Zamboanga may nadaanan kaming mapunong isla. Nakatitig ang mga matatandang MNLF sa pulo, at sabi ni Kong, pamangkin ni Nur, na maraming alaala ang pook na iyon, bahagi ng matinding labanan ng Pebrero 1974. Pinaka-matingkad sa kanya ay ang pagbitay nila roon sa tatlong kasamahan nila na malubhang nang-abuso, nanggahasa, at nagnakaw. Umiiyak ang tatlo nang sentensiyahan. Nakasupot ang mga ulo. Inilubid ang mga leeg at itinaas sa sanga ng puno. Nangisay sila nang ilang minuto....
Napasama ako sa pangangawil sa Baler, Quezon, sa mag-pinsan na dating mga sarhento sa Air Force. Napalaban din sila nu’ng 1974, sa kabilang panig. Rear gunner ang mas matanda sa kanila, taga-hawak ng machinegun sa likod ng HU-1H combat-utility helicopter. Labintatlong pasahero lang ang kayang isakay ng chopper, kasama ang dalawang piloto. Misyon nila na magdala ng gamot at mag-alis ng sugatan sa Jolo. Natatalo ang mga puwersang gobyerno. Papalipad na ang chopper. Yumayapos ang mga sundalo sa skids (paanan) para makaangkas. Hindi makaangat ang chopper. Tinutubo sila ng rear gunner para bumitaw at bumagsak....
* * *
Makinig sa Sapol, pansamantalang nilipat tuwing Biyernes, 10:00 a.m. – 12:00 nn, DWIZ (882-AM).
- Latest