Opisyales mismo ang nagpapatrapik
ILANG araw nu’ng Nobyembre 2018 bumara ang trapik sa Sauyo, Quezon City. Isinara ng barangay chairman ang main road sa harap ng bahay niya, at nagtayo ng tolda para sa burol ng namatay na kamag-anak. Walang ibang madaanan kasi itinatayo ang riles ng MRT-7 sa Commonwealth Avenue. At sa Commonwealth market sa naturang national highway nu’ng Ene. 1, 2020, hindi makaraan ang daan-libong motorista dahil inokupa ng street vendors. Pinayagan sila ng barangay chairman. Sa bahagi ng EDSA sa Pasay City naglipana ang pasugal para sa maraming linggo nang “nakaburol” na bangkay. Legal daw ‘yon miski nakaka-trapik, giit ng barangay chairman. Sa Manila binisto ni Mayor Isko Moreno ang panunuhol sa barangay chairman. Nagpapa-ekslusibong parking sila sa main roads ng Santa Cruz at Paco. Sa libu-libo pang barangay nagdudulot ng matinding trapik ang mga raket at abuso ng chairman.
Hindi lang opisyales ng barangay ang gan’un. Pati mga mayor ay sanhi ng trapik. Walang pakundangan sila sa pagpayag sa tricycles, kasi mga kampon nila sa pulitika. Pinapayagan nila ang street vendors, kasi kapalit ay boto. Pati basketball courts sa gitna ng kalye ay ipinatatayo. Binibigyan nila ng permit ang miya’t-miyang tiangge dahil negosyo ng mga kaanak at cronies. Tapos ipinasasara nila ang elitistang residential subdivisions nila para pataasin ang presyo ng lote. Nakakatrapik din ang mga convoy, pulung-pulong, at pagdalo nila sa parties.
Inaatasan ng Department of Interior and Local Government ang lahat ng mayor at barangay chairman na alisin ang harang sa daan sa lokalidad nila. Ningas-kugon ang pagsunod nila sa direktiba.
Pinakamasaklap, pati mismong Department of Transport, na dapat mag-ayos ng trapik, ay nakakabara. Nu’ng Dis. 21, 2019, isinara ng DOTr ang Mindanao Avenue, Valenzuela, para simulan kunwari ang Metro Manila subway project. Pakitang-tao lang lahat. Pagkatapos ng programa inalis ang props na backhoe at bulldozer. Isumbong dapat kay Pres. Duterte!
- Latest