Kadakilaan ng martir na José Abad Santos
BUKAS, Pebrero 19, ay ika-134 na taong anibersaryo ng kaarawan ni José Abad Santos, Secretary of Justice, Chief Justice, Acting President, at Acting Armed Forces Commander-in-Chief. Isinilang noong 1886 sa San Fernando, Pampanga, edad-56 nang patayin siya ng mga manlulupig na Hapon nu’ng Mayo 2, 1942. Iniharap siya sa firing squad nang tumanggi siya na sumumpa ng katapatan sa kalaban.
Kasama nina Josefa Llanes-Escoda at Vicente Lim, dinarakila si Abad Santos sa P1,000-papel bilang mga bayani ng Pilipinas sa paglaban kontra sa pananakop ng dayuhan. Ganunpaman hindi gaanong kilala si Abad Santos ng madla. Kokonti ang mga istoryang nalathala tungkol sa mga ginawa niya. Karamihan ng mga akda ay tungkol sa pagkamatay niya.
“Malagim ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noon,” ani historian Peter Parsons sa Ingles. “Ang pinaka-mahalagang bayani ng giyerang ‘yon ay si Abad Santos. Tinabunan ng pagkamartir niya ang mga pulitiko na nagsituwad sa mga hari-haring Hapon. Sinabihan ni Abad Santos ang mga nambibihag na mamarapatin pa niya ang kamatayan kaysa ipagkanulo ang bansa.”
Associate Justice ng Korte Suprema si Abad Santos nang hirangin ni Pres. Manuel Quezon na justice secretary. Tapos bumalik siya sa Hudikatura bilang Chief Justice. Abril 1942 nagpasya si Quezon na ilipat ang pamahalaan sa exile sa Washington, DC. Nang umayaw sumama ni Abad Santos, pinaki-usapan siya na maging Acting President. Asawa niya si Amanda Teopaco. Panganay sa sampung magkakapatid na Abad Santos si Pedro, founder ng Socialist Party of the Philippines.
Tinugis ng Hapones si Abad Santos sa Cebu at Mindanao, at natunton sa Lanao. Ikinuwento ng panganay na anak na Jose Jr. ang mga huling oras ni Abad Santos. “Tumahan ka sa pagluha, Pepito,” mahinahong inalo ng ama ang anak. “Huwag kang magpakita ng kahinaan sa kaaway. Ipabatid ang tamis ng kamatayan para sa bayan!”
- Latest