^

PSN Opinyon

Maling akala (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ayon sa batas (Art. 19 Civil Code), dapat na kumilos ng tama ang bawat tao at ibigay ang dapat sa kapwa, magpakatotoo at magpakita ng tapat na hangarin sa paggawa ng kanyang mga tungkulin. Kaya kahit may mga karapatan at tungkulin tayo na ibinibigay ng batas ay dapat pa rin na siguraduhin natin na hindi tayo nakakapanira o nakakasakit ng ibang tao sa ating mga ginagawa. Ipinapaliwanag ito sa kaso nina Noemi at Melanie.

Isang sikat na wedding coordinator si Noemi. Marami siyang kliyente. Kahit pagkatapos niyang magpakasal ay ipinagpatuloy pa rin niya ang trabaho.  Isa sa kanyang mga kliyente ay sina Rose at Jim. Noong araw ng kanilang kasal ay pumunta sa hotel si Noemi kung saan tumutuloy ang magpapakasal at kanilang mga kaanak.

Pagpasok sa hotel ay marami na ang tao. Naroon ang ikakasal na bride at groom, ang kanilang mga magulang at iba pang kaanak, ang make-up artist at mga alalay nito, ang photographer at mga tauhan, ang fashion designer na gumawa ng trahe de boda at ang tiyahin ng bride na si Melanie.

Matapos magpakita sa bride ay lumabas na si Noemi para asikasuhin ang iba pang detalye ng kasal. Dala niya ang iba pang gamit tulad ng mga regalo sa ninong at ninang ng ikakasal. Pumunta siya sa restawran kung saan gaganapin ang kainan. Binayaran niya ang mga supplier at ang meal allowance ng banda na tutugtog sa kasal. Pagkatapos ay bumalik siya sa hotel at dumiretso sa kuwarto ng ikakasal. Napansin niya ang masamang tingin ng lahat ng tao sa kanya.

Iyon pala, sa kanyang paglabas ng kuwarto ay nadiskubre raw ni Melanie na nawawala ang dalawang singsing na diyamante pati terno ng hikaw, pulseras at kuwintas na diyamante nito na nagkakahalaga ng humigit-kumulang isang milyong piso. 

Nakalagay raw ang alahas sa loob ng isang supot na papel na ipinatong sa loob ng banyo. Sa harap nang maraming tao ay sinigawan ni Melanie si Noemi at pinaratangan na: “Ikaw lang ang lumabas ng kuwarto? Nasaan ang dala mong bag. Saan ka pumunta, ikaw ang kumuha”.

Tinawag na rin ang security ng hotel para maghanap sa nawawalang alahas. Isa-isa nilang binuklat ang gamit ng lahat ng tao sa lugar. Pati si Noemi ay kinapkapan sa buong katawan, paulit-ulit na tinanong at binuntutan ng security hanggang gabi. Maya-maya pa ay dumating ang mga pulis at sunod na nagsagawa ng interogasyon sa lahat ng taong naroroon at malayang nakakalabas-masok sa hotel room.

Kinunan din sila ng fingerprints pati si Noemi. Sa buong oras na tinatanong si Noemi ay paulit-ulit na sinasabi ni Melanie na “siya lang ang lumabas ng kuwarto” kaya pati kotse ni Noemi ay hindi pinatawad at hinalughog ng mga pulis pero wala pa rin silang nakita.

(Itutuloy)

CIVIL CODE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with