Sumpain ang mga taong kumikita sa kalamidad
ANG pagsabog ng Taal Volcano na nasa ika-anim na araw na ngayon ay tila nagbigay ng oportunidad sa ilang mapagsamantala at ganid na negosyante na magtaas sa presyo ng kanilang kalakal, lalo na yaong face mask na pananggalang sa kumakalat na abo mula sa bulkan.
To say the least, mukhang walang konsensya ang mga taong ito na sa halip makatulong para maibsan ang pagdurusa ng mga taong apektado ng volcanic eruption ay lalo pang nagdudulot ng pabigat sa taumbayan.
Inirerekomenda ng Department of Health ang paggamit ng N-95 mask upang maiwasan ng tao ang makalanghap ng nakalalasong asupre mula sa ashfall ng bulkan. Pati nga ilang bayan at lungsod sa Metro Manila ay tinamaan ng ashfall na dala ng hangin kaya humaba ang pila sa mga tindahan ng mga facemasks, dahilan para maisipan ng ilang mangangalakal na taasan ang kanilang presyo. Kay sagwang sistema.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) marami ng mga business establishments ang kinasuhan na ng paglabag sa Anti-profiteering Law o batas laban sa pagpapataw ng presyong sobra-sobra lalo na sa panahon ng kalamidad.
Anang DTI, 12 sa 17 business establishments sa Bambang, Manila ang ipinagharap ng ganitong kaso. Mantakin mo nga naman na habang ang iba nating kababayan ay abala sa pagtulong at pagsaklolo sa mga biktima ng pagsabog ng bulkan sa Batangas at ilang kalapit na lalawigan, may mga buktot na mangangalakal na sinasamantala ang situwasyon upang magkamal ng malaking tubo.
Ang mga lumalabag na mangangalakal na ito, anang DTI ay kakasuhan ng paglabag sa consumer act. Dapat talaga’y bigatan ang parusa sa ganitong pananamantala dahil nagbibingit sa kalusugan ng mga kababayan natin. Kung maaari’y gawing isang-milyong piso ang multa sa ganitong paglabag at samahan pa ng parusang pagkabilanggo.
Sa ngayon yata ay kasong administratibo lang ang puwedeng isampa laban sa ganitong uri ng paglabag. Hindi lamang administratibo ito kundi krimen laban sa taumbayan na dapat lapatan ng mabigat na parusa para mangilag na ang mga oportunistang negosyante sa paggawa ng ganitong katiwalian..
- Latest