Mga dapat gawin kung may high blood
Karaniwang pagkatapos ng mga kasayahan gaya ng Pasko at Bagong Taon, napaparami ang kain. Kabi-kabila kasi ang handaan o Christmas party. At mayroong tumataas ang blood pressure dahil dito.
Kapag ang inyong blood pressure ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay mayroon ka nang high blood. Ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 140 over 90. Ang pinakamainam na blood pressure ay 120 over 80.
May dalawang klaseng gamutan sa high blood: Una, ang pagbabago sa pamumuhay o lifestyle changes; at ikalawa, ang pag-inom ng gamot. Kung ang blood pressure n’yo ay bahagyang lumampas pa lamang sa 140 over 90 at wala naman kayong nararamdaman, baka makuha pa ito sa pamamagitan ng pagbabago sa pamumuhay.
Ngunit kapag lampas sa 160 over 100 ang iyong presyon o may sintomas na kayong nararamdaman, kailangan nang uminom ng gamot sa high blood.
Mga natural na paraan kung paano mapabababa ang blood pressure:
l Magbawas ng timbang. Kapag kayo ay lampas sa timbang, mas tataas ang iyong blood pressure. Kung maibababa ang iyong timbang ng 10 pounds, ay bababa rin ang blood pressure ng 10 points.
l Magbawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa paggamit ng asin, toyo, patis at bagoong. Bawasan din ang pagkain ng noodles, daing, tuyo at sitsirya. Kapag ginawa n’yo ito, siguradong bababa ang iyong blood pressure.
l Mag-ehersisyo ng 3 hanggang 5 beses bawat linggo. Gawin ito ng 30 minutos hanggang 1 oras. Piliin ang ehersisyo na angkop sa iyong edad. Puwede ang jogging sa mga bata at paglalakad o taichi sa mga may edad.
l Matulog ng 7 hanggang 8 oras. Magpahinga at mag-deep breathing kapag ika’y napapagod.
l Magbawas ng trabaho. Ang sobrang daming ginagawa ay puwedeng magdulot ng high blood. Gawin lang ang sapat na trabaho sa isang araw.
l Huwag palaging magagalit. Posibleng tumaas ng 50 points ang iyong blood pressure kapag ikaw ay galit na galit.
l Labanan ang init na panahon. Ang mainit na klima ay may epekto rin sa may high blood. Uminon ng sapat na tubig sa isang araw. Umiwas sa araw at magpalamig.
l Mahalagang paalala: Hindi gamot sa high blood ang pagkain ng bawang o pineapple juice. Masustansiya ang mga ito pero hindi ito sapat para bumaba ang iyong presyon.
Mabisang gamot sa high blood
Kapag mataas na talaga ang iyong blood pressure, kailangan mo nang uminom ng maintenance na gamot.
Ang isa sa pinakamabisang gamot sa high blood ay ang Amlodipine 5 mg tablets na mabibili sa generics na botika. Nagkakahalaga lamang ito ng P5 bawat tableta. Ang pag-inom nito ay puwedeng kalahating tableta o 1 tableta bawat araw. Mura na ay mabisa pa.
Ngunit magpatingin muna sa iyong doktor bago uminom ng kahit anong gamot. Ang iyong doktor lamang ang makapagsasabi kung ano ang babagay sa iyo.
Sa mga may high blood, huwag matigas ang ulo. Inumin ang iyong maintenance na gamot. Siguradong gaganda ang iyong pakiramdam at hahaba ang iyong buhay. Good luck po!
- Latest