EDITORYAL - Ibaba ang presyo ng mga gamot
Nararapat suportahan ang kampanya ng Department of Health (DOH) na mapababa ang presyo ng mga gamot para sa diabetes, cancer, heart at kidney disease. Ayon sa DOH balak nilang maibaba ng 56 percent ang presyo ng 122 mga gamot sa susunod na taon. Inaasahan ng DOH na bago matapos ang 2019, malalagdaan na ni President Duterte ang kautusan sa pagpapababa ng mga gamot na nasa ilalim ng Maximum Drug Retail Price (MDRP). Noong Nobyembre pa nila isinumite sa Malacañang ang rekomendasyon. Ayon kay DOH Sec. Francisco III, determinado sila na maibaba ang mga gamot.
Hindi kinagat ng DOH ang offer ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) na ibababa ng 75 percent ang 150 nilang mga gamot para sa 36 na mga sakit. Ayon sa PHAP ang mga gamot na kanilang ibababa ang presyo ay para sa heart diseases, diabetes, kidney ailment, asthma, psoriasis, neurologic disorders, HIV and infectious diseases.
Sabi ni Duque, maganda ang intensiyon ng PHAP subalit walang garantiya na mapapasunod nila ang lahat nang botika sa pagbebenta ng murang gamot. Nang makipag-meeting umano sa kanila ang mga miyembro ng PHAP, sinabi ng mga ito na hindi nila kontrolado ang retailers kung paano bababaan ng mga ito ang mga gamot. Walang kaseguruhan kung mabebenipisyuhan ang mamamayan sa offer ng PHAP. Hindi umano malinaw ang offer.
Tama ang desisyon ng DOH na huwag kagatin ang offer ng PHAP. Ipagpatuloy na lamang ang naunang plano na pagpapababa ng mga gamot nang hanggang 56 percent. Aaprubahan naman ito ng Presidente.
Suportahan ang pagpapababa sa mga gamot. Sa dami ng mga maysakit na mahihirap, ang murang gamot ay malaking tulong sa kanila. Makakatikim na sila ng gamot para gumaling sa kanilang mga sakit.
- Latest