^

PSN Opinyon

Ang pinagmulan ng Anti-Voyeurism Act Law…

BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

TAONG 2009 pa nang maisabatas ang pagbabawal sa pagpapakalat ng mga pribado’t maseselang larawan o video ng isang indibidwal. Ito ang Anti-Voyeurism Act Law. Marami ang hindi nakaaalam na BITAG ang pinagmulan ng batas na ito. Taong 2007 pa kung saan sari-saring reklamo na ng mga kababa­ihan na biktima ng internet blackmail ang trinabaho ng BITAG.

Si dating Buhay Partylist Representative at ngayo’y Manila Councilor Irwin Tieng ang nakipag-ugnayan sa BITAG dahil sa sunud-sunod na kasong aming trinabaho. Kaya’t ipinanukala ni Tieng ang Cyber Boso Bill at ngayo’y batas na tinatawag na Anti-Voyeurism. Marami na kaming nasampulan, iba’t ibang personalidad na rin ang nailantad sa iba pang media dahil sa walang pakundangang pagpapakalat ng mga hubad na lara­wan at video.

Ang ibang suspek, hinihingian ng kapalit ang kanilang mga biktimang dating kasintahan para hindi ipakalat ang mga video at larawan ng kanilang pagtatalik. Internet blackmail pa ang terminolohiya ng BITAG noon, sextortion na ang tawag ng mga otoridad ngayon. Bagamat mas mabigat na ang parusa sa krimeng ito, marami pa rin ang tahasang gumagawa nito. Nakaraang taon, dalawang kaso ng sextortion ang tinrabaho ng BITAG. Ang mga suspek na kasintahan ng mga biktima ay parehong nahulog sa patibong ng National Capital Region Police Office-Regional Special Operations Unit (NCRPO-RSOU). Noong nakaraang linggo lang, tiklo ang isang suspek na tinawag naming si “Boy Tocino”. Ang kanyang estilo, P5,000 at 1 kilong tocino ang buwanang hinuhuthot sa gf para hindi niya ikalat ang kanilang video at larawan ng kanilang pagtatalik.

Dumating na sa puntong hindi na kinaya ng biktima ang depression at takot. Minsan siyang pumalya sa hinihingi ng dating nobyo, gumawa ito ng fake facebook account at ipinost ang kanyang mga hubad na larawan. Matagumpay ang unang undercover operation na isinagawa ng BITAG sa pakikipag-transaksiyon sa suspek. Mariing paalala ng hinayupak na ‘wag kalimutan ang kanyang tocino. Kaya sa sunod na buwang pangingikil nito sa dating kasintahan, tinuluyan na siya ng BITAG sa tulong ng Pasig Police. Nadiskubre namin na marami pang biktima ang suspek mula sa photos and videos na nasa kanyang phone gallery.

Paulit-ulit naming babala, huwag pumayag magpakuha ng mga pribadong larawan o video kahit na ang humihiling nito ay mismo ninyong kabiyak, asawa o karelasyon. Hindi man mismong mga karelasyon n’yo ang magpakalat, sa bilis ng takbo ng teknolohiya sa panahon ngayon at kapag napunta ito sa mapagsamantalang kamay, siguradong magagamit ito sa krimen.

Kung kayo ay biktima ng kaparehong krimen, huwag magdalawang isip na lumapit sa BITAG Pambansang Sumbungan.

ANTI-VOYEURISM ACT LAW

BITAG

CYBER BOSO BILL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with