Inutusan siya ng ‘diyos’ na sakupin ang Pilipinas
DISYEMBRE 10, 1898 nang pirmahan ng Espanya at Estados Unidos ang Treaty of Paris. Pormal na hininto ang Spanish-American War at isinalin ng una sa huli ang Pilipinas sa halagang $2 milyon. Pinaplano noon ng ilang mga pinuno sa Washington na maging kolonyalista. Maraming mamamayang Amerikano ang tutol. Tradisyon kasi nilang ipaglaban ang kasarinlan, kaya nagrebolusyon nu’ng 1776 laban sa Britanya at kalayaan, kaya pinalaya ang mga “Negro” nu’ng Civil War. Kasalukuyan noon na pinatatatag ng Pilipinas ang katatatag na Republika nu’ng Hunyo 12, 1898. Kinailangan ni President William McKinley ng katanggap-tanggap na palusot para sakupin ang kapuluan sa Asya.
“Lumakad-lakad ako sa White House hanggang hatinggabi, nag-iisip, nag-aalala,” kuwento ni McKinley. “Napaluhod ako at napadasal. Noon ako sinabihan ng Diyos, na gawing sibilisado at Kristiyano ang mga katutubo roon.”
Sino kayang “diyos” ang kumausap sa kanya? Tiyak ko hindi ‘yon Diyos ng mga Kristiyano na makatao, alam ang lahat, at kaya ang lahat.
Aba’y hindi mga mangmang ang Pilipino noon. Meron na noon ng University of Santo Tomas, itinatag nu’ng 1611 -- 36 taon bago ang kauna-unahang Harvard University sa Amerika. At Kristiyano ang UST -- pati Letran, Ateneo, at iba pang paaralan noon -- sa ilalim ng Vatican.
Ang mga namumuno noon sa Pilipinas ay edukado’t matatalino: sina Emilio Aguinaldo, Antonio Luna, Marcelo del Pilar, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at iba pa. Nangagsiaral sila sa pamantasan ng abogasya at agham. Nagtapos sa Europa. Palabasa. Biyahero sa ibang bansa.
Dalawang taon nauna, Disyembre 30, 1896, pinatay ng Kastila ang isa sa pinaka-matalinong nilalang noon, si Dr. Jose Rizal. Tanyag siyang siruhano, makata, siyentipiko, pilosopo, guro, pintor, at eskrimador. At nauna pa roon nanalo sina Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo ng una at ikatlong puwesto sa art competition sa Madrid Exposition.
- Latest