Kulelat
NAKALULUNGKOT isipin at hindi ko akalain na sa 79 bansang kalahok sa Programme for International Student Assesment (PISA) 2018 ay tayo ang nasa pinakahuling numero o kulelat. Tinagurian pa man din tayong isa sa mga bansang bihasa sa pananalita ng Ingles kumpara sa ibang bansang kalahok. Anong nangyari?
Ibig lang sabihin nito na ang ating mga anak ay wala sa pag-aaral ang konsentrasyon. Mas nalululong ang ating mga kabataan ngayon sa gadgets. Hindi na nila kaila-ngang magpunta sa library ‘di-tulad noong kapanahunan natin na kapag may bakanteng oras ang mga estudyante ay nasa library at nagbabasa, nagre-research at kung ano pa, samantalang ngayon mabakante lang ng konting oras, nakadikit na sa gadget. Pag may assignment puwede lang nila itong i-google. Imbes na dagdag allowance pambili ng pagkain ay ibinibili ito ng load.
Tinagurian pa man din tayong isa mga bansang bihasa sa pananalita ng Ingles pero bakit naungusan pa tayo ng mga bansang mahina o hindi kalimitang nagsasalita ng wikang ito. Nasa kasagsagan tayo ng kasiyahan dahil nga sa ginaganap na SEA Games at umaangat din tayo sa Miss Universe competition pero eto nga ang hindi magandang balita, kulelat tayo sa ginanap na PISA 2018.
Panahon na upang kalampagin ang mga magulang at guro na tutukang mabuti ang ating mga anak. Imbes na maging abala ang mga ito sa gadget ay magpursigi silang mag-aral ng leksiyon sa paaralan. Kasi ngayon mura na ang presyo ng gadgets ultimo mahihirap nating mga kababayan ay makakabili na nito.
Gisingin ang diwa ng ating mga anak bago tuluyang maligaw ng landas. Habang maaga, ipaalala sa kanila ang kagandahang dulot ng edukasyon. Gabayan palagi sila upang mag-pokus sa kanilang pag-aaral.
- Latest