EDITORYAL - Kabayanihan ni MSgt. Jason Magno
Maraming pulis ngayon ang nasasangkot sa maraming kaso. May mga pulis na sangkot sa drug recycling gaya ng mga tauhan ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde. May mga pulis na sangkot sa pagkidnap at pagpatay gaya ng ginawa sa Korean businessman na si Jee Ick-joo noong 2016 na sa loob pa ng Camp Crame isinagawa ang krimen. May mga pulis na kinokotongan ang mga nahuhuli nilang drug suspect. Marami pang kasamaan na ginagawa ang mga pulis kaya naman masyadong mababa na ang pagtingin ng mamamayan. Kalabisang sabihin na makita lamang ang asul na uniporme ng mga pulis, kakaiba na ang iniisip at ang iba naman ay natatakot. Epekto lamang ito ng mga ginawang kasamaan ng mga pulis. Mahirap makalimutan ang kanilang ginawa dahilan para lalo pang bumaba ang pagtingin ng mamamayan.
Pero sa kabila ng mga ipinakikitang kasamaan, mayroon pa rin namang pulis na nagpapakita ng kabayanihan na hindi mapapantayan. May pulis pa rin na iniaalay ang buhay para mailigtas ang kapwa. Mabibilang na ang ganitong uri ng pulis sa kasalukuyan.
Isa rito si Master Sgt. Jason Magno na ang kabayanihan ay naging usap-usapan at nakita pa sa social media ilang linggo na ang nakararaan. Namatay si Magno makaraang masabugan ng granada na inihagis ng isang lalaki sa Initao College sa Misamis Oriental noong Nobyembre 28.
Isang lalaki na nagngangalang Ibrahim Bashir ang pumasok sa Cenro office na katabi lamang ng compound ng Initao. Hawak ng suspect ang granada na wala nang pin. Sa takot ng staff ng Cenro tinawag ang mga pulis na sina Magno at MSgt Alice Balido. Nagresponde ang mga pulis. Si Magno ang nakipag-agawan sa granada na hawak ni Bashir. Pilit niyang inaagaw para hindi pumutok subalit nabitawan ito at sumabog. Namatay si Magno, ganundin ang suspect. Labing-anim na iba pa ang nasugatan. Ayon sa report, kung hindi naiharang ni Magno ang katawan, maaaring marami pa ang namatay.
Bihira ang makakagawa ng ganitong kabayanihan. Piniling mamatay para makapagligtas ng kapwa. Dapat gawaran ng mataas na pagkilala si Magno at ganundin si Balido na mga unang tumugon at hindi natakot tumulong. Dapat kilalanin ang kanilang tapang. Mas mabuti sila kaysa mga pulis na nagre-recycle ng droga o nangingidnap at pumapatay.
- Latest