Iniwan sa altar ang binuntis
(Huling bahagi)
HABANG dinidinig ang kaso ay inutos ng korte na magbayad ng sustento (alimony pendente lite) si Kay kada buwan.
Pagkatapos ay naglabas ng desisyon ang korte na si Kay ang tunay na ama ni Liza at pinagbabayad siya ng buwanang suporta kay Liza, pati nawalang kita ni Jenny sa panahon na ipinagbubuntis niya ang bata, moral damages at attorney’s fees ay pinabayaran sa kanya.
Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol at nilakihan pa ang moral damages alinsunod sa Art. 2219, par. 3 ng Civil Code dahil daw binuyo lang ni Kay si Jenny kaya bumigay ang babae sa kanyang makamundong pagnanasa.
Pero ayon sa Supreme Court, walang basbas ng batas ang ibinigay na danyos o moral damages ng RTC na nilakihan pa nga ng CA base lang sa pagtalikod sa pangako ng kasal.
Ayon sa SC, walang malinaw na batas na nagsasabing puwedeng magsampa ng reklamo dahil lang sa pagtalikod sa pangakong kasal maliban sa pagsasauli ng pera o ari-arian na ibinigay o ibinayad dahil sa pinanghahawakan na pangako.
Ayon pa sa SC, ang pang-aakit o seduction na nakasaad sa Art.2219 ay konektado sa krimen na pinarurusahan sa Revised Penal Code at walang kinalaman sa usapin.
Hindi masasabing inakit lang ni Kay si Jenny dahil mas bata pa nga siya ng 10 taon sa babae.
Pangalawa, hindi puwedeng sabihin na walang muwang si Jenny dahil isa siyang 36-anyos na babae, isang hayskul titser at naging ahente pa nga ng insurance nang makipagtalik siya kay Kay na noon ay hindi pa ganap na piloto.
Kusa niyang ipinagkaloob ang kanyang sarili dahil sa pagmamahal sa nobyo at katunayan ay ginusto pa nga niya na magkaroon ng anak sa lalaki kahit hindi pa sila kasal.
Kaya walang basehan ang ibinigay na moral damages ng RTC at CA. (Hermosisima vs. CA, et. al., G.R. L-14628, September 30, 1960)
- Latest