Gumamit ng body cams
MATAGAL na akong sang-ayon sa paggamit ng body cameras para sa kapulisan. Ito ay para sa proteksiyon ng mamamayan pati na rin ng pulis. Nais kasi ni Vice President Leni Robredo na ipatupad na ang paggamit nito na matagal nang panukala. May budget na nga ang PNP para bumili ng body cams. At hindi na rin ako nagtataka kung bakit naging oportunidad ito para sa ilang tiwaling pulis.
Pinakakasuhan ni PNP OIC Lt. Gen. Archie Gamboa ang tatlong pulis na may ranggong major na bahagi ng Bids and Awards Committee (BAC) Technical Working Group (TWG) ng PNP dahil sa umano’y P5 milyon na kinita sa mga supplier. Masisisi ba ang mamamayan na tila likas na sa ilang pulis ang kumita sa pamamaraan ng korapsyon? Dapat lang na sibakin at kasuhan.
Matagal na palang sinang-ayunan ng PNP at PDEA ang paggamit ng body cams. Siguro kaya hindi maipatupad ay dahil nga sa tatlong ito na hinaharang ang mga supplier kung hindi sila “aabutan”. Mukhang nakatanggap na nga ng P5 milyon pero naging gahaman pa rin kaya hindi umusad ang pagbili. Ngayong wala na sila ay nasiwalat na ang masamang sistema, sana umusad na ang pagbili.
Pero wala pa nga ang body cams may umaalma nang kongresista. Binatikos din si Robredo na puro salita pa lang nang maupo sa Inter-Agency Committe on Anti-Illegal Drugs (ICAD). Baka hadlang daw ang body cams sa maayos na operasyon ng mga pulis. Paano magiging hadlang kung may mga body cams na hindi naman kaagad makikita o mapapansin dahil sa liit? Kung walang tinatago ang mga pulis at palaging sinsabing “nanlaban” ang mga napapatay na pusher o adik, walang problema dapat ang may body cam. Mapapatunayan pa nga sa pamamagitan ng video ang mga nanlaban. Walang pinagkaiba iyan sa mga CCTV sa malls, ospital, condominium at mga dash cam sa sasakyan.
Nagtataka nga ako kung bakit nililihis ng mga pulis ang mga nakikitang CCTV kapag may operasyon sa lugar. Hindi katanggap-tanggap ang paliwanag na baka mamukhaan sila. Eh sombrero lang hindi na kita mga mukha, hindi ba? Ipatupad na ang paggamit ng body cams at suriin kung nakatulong o hindi bago sabihin na walang silbi. At pagsilbihin muna si Robredo bago sabihing puro salita at walang nagagawa. Ang nais ba ay may mapatay na kaagad ang PNP at PDEA ngayong kabilang na si Robredo sa ICAD para masabing epektibo?
- Latest