Petisyon
MABUTI naman at sinibak na rin ang pulis na bukod sa sangkot sa kontrobersiyal na operasyon sa Antipolo ay sangkot din pala sa operasyon sa Mexico, Pampanga. Hindi ko nga maintindihan kung bakit suspensiyon ng dalawang buwan lang ang unang ipinataw na parusa kay Police Lt. Joven de Guzman samantalang sinibak ang tatlong kasama na sangkot din sa Antipolo at Pampanga.
Ito ang patunay na kapag gumawa ng katiwalian o krimen ang pulis ay mas malaki ang tsansa na uulit lang kung hindi kaagad sinibak sa serbisyo. Hindi talaga kuntento ang mga iyan kahit dinoble na nga ang sahod.
Sa tingin ko nga, mas naging gahaman sa pera kaya hindi makatiis gumawa ng kalokohan. Ilang pulis pa kaya ang ilang ulit na gumawa ng kalokohan pero nasa serbisyo pa rin dahil sa kasalukuyang sistema?
Punahin din ang kaso nina Capt. Magdalino Pimentel Jr. and Lt. Markson Almeranez, mga suspek sa pagpatay kay Citizens Crime Watch (CCW) officer Zenaida Luz sa Oriental Mindoro noong 2016. Nakapagpiyansa sila noong 2017 kahit first-degree murder ang kaso dahil hindi raw tugma ang mga balang nakita sa lugar kung saan pinatay si Luz sa baril ng mga pulis. Nakabalik pa nga sila sa serbisyo at tumanggap pa ng sahod.
Pero isa sa mga sangkot sa krimen ay tumestigo na para sa estado. Inamin ni Tyrone Fabella na nakipagpalitan ng baril kay Pimentel, para nga hindi tumugma ang mga bala. Kaya dapat lang ibigay ng hukuman ang petisyon ng CCW na bawiin ang piyansang ibinigay sa dalawang pulis.
Nakapagtataka ang kasong ito. Nahuli ang dalawang pulis matapos barilin si Luz ng mga pulis na nataon ay nasa lugar din nila. Nakipagbarilan pero noong masugatan sila at maaari nang mapatay, sumigaw ng “tropa, tropa” para ipahiwatig na mga pulis din sila.
Si Pimentel ay nakatakip ang buong ulo habang si Almenarez naman ay nakasuot ng wig ng babae. Hindi ba dapat tapos na ang kasong ito at napakalinaw naman ng kanilang ginawang krimen sa panahon na lantaran ang extrajudicial killings?
Hanggang ngayon, hindi pa nga malinaw kung bakit pinatay si Luz. Ganun pa man, dapat ibalik na sa kulungan ang dalawang pulis at umusad na ang kaso. Dapat naman mabigyan ng hustisya si Luz, kung posible pa iyon.
- Latest