Rep. Velasco kabado ba sa term sharing?
BALITA ko kabado si Marinduque Rep. Lord Alan Velasco kasi, tila nakalimutan na ng pamilyang Duterte at ang napagkasunduang term sharing sa pagiging Speaker sa Kongreso sa pagitan nila ni Speaker Alan Peter Cayetano. Tapos, nagkaroon pa umano sila ng tampuhan ni Mayor Sara matapos na si Taguig Congressman at dating Senator Alan Peter Cayetano ang mahalal na Speaker sa Kamara de Representante.
Tutol si Mayor Sara sa term-sharing ngunit si Cayetano ang napili ng mga kapwa kongresista na unang maupo bilang Speaker pagbukas ng 18th Congress noong Hulyo at si Velasco ang susunod. Kaso, feeling ni Velasco na mukhang nagkakalimutan sa kasunduang ito.
Gusto raw isalba ni Velasco ang relasyon kay Sara kaya ipinasyang pabinyagan ang bunsong anak at kinuhang ninang ang Presidential daughter na hindi naman sumipot sa araw ng binyag sa Makati Shangri-la Hotel noong isang buwan. Masyado nga namang malayo ang Maynila sa Davao para puntahan ng isang lubhang abalang alkalde tulad ni Sara.
Kaya muling pinabinyagan ni Velasco ang kanyang anak na Sara rin ang pangalan sa Davao City upang makadalo na ang ninang nitong si Davao City Mayor Duterte. Iba siyempre kung naroon si ninang Sara para feeling close ulit.
Nagpapanic na ba si Velasco dahil napatunayan ni Cayetano na karapat-dapat siyang maging Speaker dahil sa ipinakitang gilas nito sa unang dalawang buwan pa lamang ng kanyang panunungkulan? Nagtamo si Cayetano ng pinakamataas na rating kumpara sa mga dati niyang kapwa Speaker sa pinakahuling survey ng Pulse Asia. Ang trust rating ni Cayetano na 62% at approval rating na 64% ay masasabing record-high na ratings. Mas mataas pa ang rating ni Cayetano kaysa kay Vice President Leni Robredo. Ngayon lang nangyari ito.
Pinuri si Cayetano ng mga kapwa niya kongresista dahil sa unang pagkakataon, bumango ang imahe ng Kamara de Representante sa publiko. Tuwang-tuwa at pinagmalaki ng mga kapwa niya lider sa Kongreso, tulad nina House Majority Leader Martin Romualdez at Deputy Speaker LRay Villafuerte, ang magandang rating ni Cayetano na nagpapakita ng respeto ng madla sa kanya.
Matuto nawa si Velasco kay Cayetano na nagsisipag, nagtratrabahong mabuti at siya’y magandang ehemplo sa mga kapwa niya kongresista. Tularan niya si Cayetano na sa loob lamang ng dalawang buwan ay nagabayan ang Kamara na maipasa agad ang national budget, at ang iba pang mga mahahalagang panukalang batas na tinutulak ng Pangulong Duterte.Ito ang napapansin ng publiko, hindi iyang mga maluluhong paraan para maipakita ang pagpapahalaga mo sa padrino mo.
- Latest