Carpio: Bayaning Pilipino
TANGING si Cayetano Arellano, ang kauna-unahang Punong Mahistrado ng Pilipinas, ang naglingkod ng mas mahabang panahon sa Mataas na Hukuman. Sa ganitong pamantayan, wala nang ibang may mas malaking kontribusyon sa ating sistema ng hustisya kaysa kay Antonio T. Carpio. Sa October 26, matapos ang 18 years na paglilingkod bilang Associate Justice, siya’y mamamaalam na sa Korte Suprema.
Dahil sa haba ng terminong pinagsilbihan, wala nang mas humigit pa sa kanya sa mga naging mahistrado pagdating sa mga desisyong sinulat, mga botong pagsang-ayon sa desisyon, at, siyempre, sa mga botong pagtutol sa mayorya. Kung dito lang titimbangin ang kanyang kontribusyon, hindi talaga malalampasan ang halaga.
Subalit si Justice Carpio ay hindi lamang sa quantity namamayagpag. Higit dito, wala rin itong kaparis pagdating sa kalidad ng kanyang serbisyo. Hindi biro ang taas ng antas ng kanyang paglingkod. Ang kanyang mga posisyon sa mga mahahalagang usapin ng lipunan ay hindi matatawaran sa katwiran at sa argumento. Kung may mga kasamahan itong kapuna-puna ang lambot ng paninindigan, si Justice Carpio ay laging maaasahan na magiging matatag ang paniwala.
Hindi ito basta basta magpapadala sa init ng naguumpugang panig ng pulitika. Sa ganito ngang mga pagtagpo aasahan na may isang Justice Carpio na titindig at walang pakundangang ipagtatanggol ang kanyang posisyon. Nakilala siyang tagasulong ng mahigpit na pananagutan ng mga lingkod bayan. Marami sa kanyang mga hatol, tulad ng desisyon sa PEA-Amari at sa kayraming umawat sa abuso ng kapangyarihan, ay pawang mga halimbawa ng pagtaguyod ng prinsipyo.
Ang kanyang panahon sa Hukuman ang naging koronasyon ng kanyang karera sa gobyerno. Subalit nakilala si Justice Carpio hindi lamang bilang Huwes. Tanyag din siyang miyembro ng Gabinete, propesor ng Batas at abogado sa pribadong sektor.
At siyempre, wala nang mas dakilang Pilipino na ipaglalaban ang ating karapatan laban sa mga pagkamal ng ibang bansa gaya ng pagtindig ni Justice Carpio, kahit nag-iisa, sa harap ng higanteng puwersa ng Tsina sa usaping West Philippine Sea.
Maraming Salamat Mr. Justice!
- Latest