Zero-waste ng NutriAsia
ISUSULONG ngayon ng NutriAsia Inc. ang pagkakaroon ng zero-waste community sa pamamagitan ng kanilang “Bring Your Own Bottle” (BYOB) refilling station. Noong Agosto 1, opisyal nang binuksan ng NutriAsia ang kanilang BYOB refilling station sa tapat ng The Mind Museum sa Bonifacio Global City, Taguig. Ang “Bring Your Own Bottle” ay proyekto ng NutriAsia na naglalayong mabawasan ang pagkonsumo ng plastic sa bansa at humihikayat sa mga Pinoy na gumamit ng mga reusable container at i-refill ang mga ito ng mga produkto ng NutriAsia tulad ng Datu Puti, UFC Banana Catsup at Golden Fiesta sa mas murang halaga. Nagbebenta rin ang BYOB store ng iba pang produkto ng NutriAsia kagaya ng Datu Puti Spiced Vinegar na may 40% diskwento sa presyo.
Bukod sa pag-recycle, layon din ng NutriAsia ang pag-upcycle. Nagsisilbi ring drop-off point ang BYOB store ng mga donated na mga plastic, bote at pakete. Ang mga naipong plastic materials ay gagamitin sa paggawa ng mga bag, upuan at lamesa. Ang mismong BYOB store ay gawa sa mga eco-bricks na gumagamit ng plastic discards na nagmula sa Arca South Eco Hub, isang proyekto ng Arca South, Green Antz at Ayala Land Inc. Ang lahat ng malilikom ng NutriAsia sa BYOB ay ibibigay sa Gat Andres Bonifacio High School sa Taguig. Target ng kompanya na makapagbigay ng 300 na upuan sa nasabing paaralan.
Ayon kay James Lim, Corporate Marketing at Communications Head ng NutriAsia, layunin ng kanilang proyekto na mahikayat ang publiko na tumulong sa pagkakaroon ng zero-waste community. Simula noong 2014, nakikilahok na ang NutriAsia sa mga programa at proyektong makatutulong sa kalikasan. Kabilang na rito ang Jumbohalang Tambalan at Refill Revolution ng DENR-EMB sa Central Luzon. Sa kasalukuyan dinudumog na ito ng ilan nating mga kababayan. Mahigit isang daan katao ang pumunta sa pagbubukas ng kauna-unahang refilling station ng NutriAsia Inc. sa Metro Manila noong August 1. Matatagpuan ang “Bring Your Own Bottle” (BYOB) pop-up store ng NutriAsia sa harap ng The Mind Museum sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig. Ang refilling station ay bahagi ng kampanya ng NutriAsia para mabawasan ang paggamit ng plastic bottles at maisulong ang pangangalaga sa kalikasan.
Hinihikayat ng NutriAsia ang mga bumibisita sa pop-up store na magdala nang malinis na bote upang makakuha ng refill ng iba’t ibang condiments, sauces at cooking oils sa mas murang halaga. Kabilang sa mga produktong nire-refill ay ang Datu Puti toyo, Datu Puti suka, UFC Banana Catsup, Golden Fiesta Palm Oil, Golden Fiesta Soya Oil, Golden Fiesta Canola Oil at Golden Fiesta Corn Oil. Ang mga nasabing produkto ay mas mura nang 5-15% kumpara sa presyo sa pamilihan. Samantala, 40% discount naman ang ibinibigay sa mga bumibili ng Locally blended juice drinks sa pop-up store. Mula nang buksan ang BYOB store, maraming residente at nagtatrabaho sa BGC ang bumibisita sa booth para magpa-refill ng NutriAsia condiments at cooking oils. May limit na 200 grams hanggang 2 liters ang bawat refill.
Ayon sa isang NutriAsia staff, karamihan sa nagpapa-refill sa kanila ay may dalang dalawa hanggang apat na bote. Ang iba naman ay dumadaan lamang para mag-donate ng mga gamit na bote. Isa sa mga sumusuporta sa proyekto ng NutriAsia ay si Jerome Manangkil. Aniya, “Iyong mga ganitong event, okay siya. Mas mura na, same quality pa ng mabibili mo sa mga supermarkets. At good siya sa environment. Ang pop-up store ay bukas hanggang Disyembre 31. Simula noong nakaraang taon, nakikipagtulungan ang NutriAsia sa Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources para makapagsagawa ng refilling activities sa mga probinsya sa Central Luzon.
- Latest