EDITORYAL - Trapik sa EDSA lalo pang lumala
NOONG nakaraang Hunyo, sinabi ni President Duterte na kayang mag-travel ng limang minuto mula Cubao hanggang Ayala. Gusto niya bago mag-Disyembre, makapagbiyahe ng ganun kabilis ang mga sasakyan. Gusto niyang huwag nang mahirapan ang mamamayan sa sobrang trapik.
Sabi naman ng Metro Manila Development Authority bilang pagsang-ayon sa sinabi ng Presidente, kayang magbiyahe ng limang minuto mula Cubao pa-Ayala. Basta raw makakatulong nila ang Highway Patrol Group, Metro Manila, Land Transportation Office at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board at mga local traffic enforcers, mangyayari ang mabilis na pagbiyahe. Magtutulung-tulong umano sila para malutas ang problemang trapik sa EDSA.
Maraming pumuna sa sinabi ng Presidente at maging sa MMDA. Imposible raw na mangyari ang limang minutong biyahe mula Cubao patungong Ayala. Karaniwang dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe sa mga nabanggit na lugar o higit pa. Isang himala raw kapag naging limang minuto ang biyahe. Pero kung mangyayari raw iyon e di wow!
Noong Lunes, nakaranas na naman nang grabeng trapik sa EDSA sapagkat tumukod ang trapik (south bound) hanggang North EDSA. Dati ang tukod ng trapik ay hanggang GMA-7 lang subalit nung Lunes, wala nang galawan kaya maraming empleyado ang na-late na naman sa trabaho.
Kakatwa na nangyari ang grabeng trapik nang ibalik ang HPG para makatulong ng MMDA sa pagsasaayos ng trapiko. Sa halip na lumuwag, lalong nagkabuhul-buhol at walang galawan. Hindi naman sila makasakay sa MRT sapagkat punumpuno rin ng pasahero at may posibilidad ding magkaaberya.
Dahil sa trapik na hindi lang sa EDSA nangyayari kundi sa marami pang pangunahing kalsada sa Metro Manila, may mga namamatay na pasyente na lulan ng ambulansiya. Hindi makalusot ang ambulansiya dahil sa sobrang sikip at ang iba naman ay ayaw magbigay-daan. Marami nang pangyayaring ganito at kung hindi malulutas ang trapik, kawawa ang mga may dadalhin sa ospital.
May nagpapayo na gawing one way ang buong EDSA para malutas ang trapik. Puwedeng subukan ito. Mag-eksperimento. Pinaka-epektibo ay ang pagdadagdag ng mga skyway para makaiwas sa EDSA. Madaliin din ang SLEX-NLEX connector. Ipagpatuloy ang pag-aalis sa mga sagabal at walisin sa kalsada ang mga bulok na sasakyan kasama ang mga colorum.
- Latest