Balon sa bawat barangay: Batas na hindi maipatupad
MERONG batas na nag-aatas sa bawat barangay na humukay ng ipunan ng tubig-ulan. Tatlumpung taon na ang batas na ito. Pinamagatang Rainwater Collector and Springs Development Law, layon ng Republic Act 6715 na malutas ang baha sa tag-ulan at kakulangan ng tubig sa tag-tuyot. Maya’t maya ay ipinapaalala nina environmentalist-lawyer Antonio Oposa at tanyag na urban planner Felino Palafox Jr. na ipatupad sana ang batas. Walang nakikinig!
Simple ang atas ng batas. Tukuyin ang pinaka-mabababang sulok ng bawat barangay. Humukay sa lupa roon ng mababaw na balon: mga apat na metro-kuwadrado (2 x 2) pataas ang laki at isang metro o mahigit ang lalim. Doon natural na dadaloy ang tubig-ulan. Kung marami niyon, maaagapan ang baha. Maisasalba ang mga buhay at ari-arian. Sa tag-tuyot, depende sa laki at lalim, may matitirang naipong tubig para pandilig ng halamanan, panlinis ng kalye at kagamitan, at paliguan ng hayop. Dahil basa ang paligid ay maari itong tamnan. Muli depende sa laki, maari pa itong gawing pasyalan ng mga taga-barangay. Kung nag-aalala na baka pag-itlogan ng lamok na may dengue ang tubig, simple ang solusyon. Lagyan ito ng tilapia o dalag, matibay sa pagpapalit ng klima.
Hindi imposible ang proyekto. Ginagawa ito sa Piddig, Ilocos Norte ni dating mayor at ngayo’y consultant to the mayor, Engr. Eddie Guillen. Ang mga rainwater collectors na hinukay niya ay naging taniman ng gulay at sunflo-wers. Nalutas ang baha at drought. Luminis ang hangin at kapaligiran. Nadagdagan ang kita ng mamamayan. Nakakaakit pa ng turista.
Sana ay tularan ang ginawa ni Guillen sa 42,000 iba pang barangay. Sukatan nga dapat ng galing ng mga barangay chairmen at councilmen ang sigasig ng pook sa pagpapatupad ng batas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest