EDITORYAL - Provincial bus ban sa EDSA, isip-isip muna
KUNG hindi sa desisyon ng isang Quezon City judge, maaaring ituloy na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board ang pagbabawal na makadaan sa EDSA ang mga provincial buses na nakatakda sana sa Miyerkules (Agosto 7). Pero dahil sa desisyon ni Judge Caridad Walse-Lutero ng Quezon City RTC Branch 223, hindi matutuloy ang balak ng MMDA at LTFRB na huwag padaanin sa EDSA ang mga bus na biyaheng probinsiya. Ayon sa judge, hindi kinunsulta ng MMDA at LTFRB ang mga stakeholders ng bus. Umapela sa korte ang mga provincial bus operators at pinakinggan naman sila ng judge. Ayon naman sa MMDA, susunod sila sa utos ng korte kung ito ang nasasaad sa batas.
Ito ang pangalawang beses na susubukan ang pagbabawal ng provincial buses na makadaan sa EDSA. Ang una ay noong nakaraang
Abril pero ipinagpaliban dahil sa mga pagtutol ng iba’t ibang sektor. At ngayon, korte na ang nag-uutos na hindi dapat pagbawalan ang provincial bus sa EDSA.
Pangunahing dahilan ng MMDA kaya hindi padadaanin ang mga provincial buses sa EDSA ay dahil ang mga ito ang nagdudulot ng grabeng trapik. Marami rin sa mga provincial buses ang may terminal sa Cubao, Quezon City. Ilang provincial bus terminal na ang ipinasara dahil sa violations.
Sa plano ng MMDA, ang mga provincial buses na galing South Luzon ay hanggang Sta. Rosa, Laguna na lamang. Doon bababa ang pasahero at lilipat ng ibang bus patungo sa kanilang destinasyon. Ang mga buses naman na galing North Luzon ay hanggang Valenzuela terminal na lamang. Doon bababa ang mga pasahero at lilipat ng ibang bus para makarating sa paroroonan.
Nararapat pag-aralan muna ang planong ito. Tama lang na pigilan ng korte sapagkat hindi plantsado ang plano. Masyadong malayo ang terminal at mahihirapan ang mga pasahero na may mga dala galing probinsiya. Gaano kasigurado na mayroong sasakyan ang mga pasahero pagdating nila sa terminal? Dapat pag-isipan ang hakbang na ito at baka sa halip na mapagaan ang problema ay lalong bumigat.
- Latest