Alerto sa dengue
NAGDEKLARA ng National Dengue Alert ang Department of Health (DOH), dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ayon sa datos ng DOH, 456 na ang namatay dahil sa dengue sa unang anim na buwan nitong taon. Higit 100,000 kaso ng dengue ang naitala. Ang mga lugar kung saan tumaas nang husto ang dengue ay ang Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan), Western Visayas, Central Visayas at Northern Mindanao. May ibang lugar pa na binabantayan dahil sa pagtaas na rin ng bilang ng dengue. Hindi pa nga lubusang pumapasok ang tag-ulan, ganito na ang sitwasyon.
Ang alerto ay idineklara para maging maingat na ang mamamayan. Iginiit muli ang maging malinis ang kapaligiran ng tahanan, partikular ang pagtakip ng mga lalagyan ng tubig at paglinis ng mga lugar kung saan maaaring mamahay ang tubig. Sa tubig nangingitlog ang lamok. Kapag maraming lamok na ang lumilipad lalo na sa araw, gawan na ng paraan para mapatay na ang mga ito. Makipag-ugnayan sa mga barangay kung maaaring isailalim sa “fogging” ang mga lugar kung saan marami nang lamok.
May bakuna sana para sa dengue pero alam na natin kung ano ang kapalaran nito. Gusto ko sana malaman kung nakatulong ba ang nasabing bakuna sa higit 800,000 mag-aaral na nabigyan sa ilalim ng programang pabakuna ng nakaraang administrasyon. Nakatulong ba o nakasama, tulad ng sinasabi ng iba? Sa ngayon wala pa rin akong nababalita na may masamang epekto ang Dengvaxia sa mga bansang tumanggap na rin nito. Kapag hinanap sa internet, mga balita lang sa Pilipinas ang makikita. Binago lang ng mga bansang iyan ang mga patakaran sa pagbigay ng bakuna, ayon na rin sa babala ng Sanofi Pasteur.
Sana ay hindi na lumala ang sitwasyon ng dengue sa bansa ngayon. Dapat pakinggan ang DOH hinggil sa paglilinis ng lugar at pagpatay sa mga lamok. May anim na buwan pa tayong haharapin. Tandaan na ang insekto na may pinakamaraming napatay sa buong mundo ay lamok.
- Latest