Hindi na natutulog si Isko
MADALING araw pa lang ay gising na si Manila mayor Isko Moreno. Malinaw na seryoso siya sa mga binitiwang salita na babaguhin at ibabangon ang namamahong lungsod na minana niya sa mga dating mayor. Nakita niya ang mga hindi kanais-nais na tanawin sa kanyang paglilibot. Patunay diyan ang nakita niyang karumihan ng Bonifacio Shrine na ginawang kubeta. Iniutos niyang linisin ito. Ipinaalis niya ang mga tindahan na ginawa noong panahon ni dating Mayor Joseph Estrada. Umani ng papuri si Isko sa mga Manileños at mga opisyal ng pamahalaan dahil naibalik ang kagandahan ng lungsod. Mukhang may nakikinabang sa organized vending kaya pati mga pulis-MPD at Manila City Hall ay nalungkot sa pagkawala ng kanilang gatasan.
Sa tuluyang pagpapaganda sa Maynila, marami ang sumaludo kay Isko. Siguradong dadagsa ang mga turista at sisigla ang kalakalan sa lungsod. Mukhang napagod ang mga pulis ng MPD dahil sa kasipagan ni Isko kaya nalusutan ng mga holdaper at pinasok ang Metro Bank, Sto. Cristo Branch sa Binondo. Napikon si Isko dahil malaking insulto ito sa kanyang administrasyon. Nataon na nasa kasagsagan ng kanyang paglilinis at pagsasaayos nang maganap ang insidente. Sa galit ni Isko, marami na ngayon ang bawal kapag papasok sa mga banko sa Maynila, tulad ng mga sumusunod: naka-helmet, naka-facemask, naka-bull caps at jackets. At para mapadali ang paghahanap ng mga pulis sa mga holdaper, nag-offer si Isko ng P1 milyon sa makakapagturo sa mga suspek.
Kung di na natutulog si Isko lalong hindi na rin makaka-relax ang mga pulis-MPD. Ang nais kasi ni Isko, mawalis na rin ang mga mga wanted sa lungsod. Kahapon iprinisinta ni Isko ang apat na wanted sa robbery na sina Irwin Pilina, Bob Anel Navarro, Rafe at Jason Fullantes. Ang kolektor ni Carol Bakulaw na si Melanie dela Cruz, alias “Annie” ay kabilang din sa iprinisinta ni Isko na kumokolekta umano ng mula P500 -P1,000 sa mga vendors. May katwiran si Isko na gibain ang sindikato ng vendors dahil ang humahawak ng mga ito ay mga tagalabas ng Maynila. Ang inaabuso ay ang mga kaawa-awang Manileños kaya sa mga darating na araw na buksan muli ni Isko ang kamay sa vendors tiyak na mga taga-Maynila na ang makikinabang. Sa ngayon, unti-unti nang naglalatag ang ilang vendors sa gabi upang kumita para sustentuhan ang pamilya. Bawal nang kumurot ang mga pulis at Manila City Hall sa mga ito dahil pagnatunugan ito ni Isko tiyak sisibakin niya sa puwesto. Babay sa lahat ng mga kolektor ng ilegalista sa Maynila dahil seryoso si Isko na linisin at mapaganda ang namahong lungsod.
- Latest