Konsumo ng karne tumataas sa maralita
PANUKAT ng mga ekonomista ang tangkad ng tao sa kaunlaran ng bansa. Tumangkad ang karaniwang 12-anyos na Chinese sa lungsod nang siyam na sentimetro nitong nakaraang 25 taon, at ang babae na gan’ung edad nang pitong sentimetro. Ito’y dahil tumaas ang konsumo ng populasyon ng karne. Kumokonsumo ngayon ang karaniwang Chinese ng 62 kilong karne kada taon, kumpara sa apat na kilo nu’ng dekada. Kalahati ng konsumo ng mundo ng baboy ay sa China. Isama ang paglinis ng kapaligiran, umepekto ang karne sa genes ng Chinese kaya tumangkad. Kung manatili silang malusog, hahaba rin ang buhay.
Kumawala ang China sa palpak na “great leap forward” ni Mao Zedong na nagwasak sa agrikultura nu’ng dekda-1960. Niluwagan ni Deng Xiaoping ang kalakal nu’ng dekada-1980. Nagmoderno ang imprastruktura. Dumami ang pakain sa manok, baboy, at baka, dumali ang transportasyon, umunlad ang industriya ng karne. Yumaman ang 1.3-bilyong Chinese. Nakayanan nang bumili ng karne araw-araw.
Lumalaki, sumisigla rin ang karaniwang Indian. Dahil ito sa gatas. Sagrado kaya hindi kinakatay ang baka para sa karamihang Hindu sa 1.35-bilyong Indians. Pero pinapastol nila ang kalabaw. Sa pag-unlad ng dairy industry nagmura kaya tumaas ang konsumo ng gatas, keso, at mantikilya. Dahil yumaman ang Indians sa agrikultura at teknolohiya, nakakabili sila ng mas masaganang pagkain. Nakikinabang ang mga Africans sa Indian exports ng murang gatas at karneng kalabaw.
Nagpapalala sa global warming ang dagsa ng pastuling baka at kalabaw sa mundo. Nakaka-pollute ang methane sa utot nila. Pero umaangat ang kabuhayan -- at kalusugan -- ng mga dating maralita.
Sa mayayamang bansa tumindi ang konsumo ng manok. Ang dami ng poultry sa mundo ay 28 bilyon, kumpara sa 500 milyong maya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest