Sipain ang aroganteng mambabatas
HINDI pa man nakakaupo sa puwesto si Ang Probinsiyano party-list Rep. Alfred delos Santos ay lumabas na ang tunay na ugali. Huwag nang hayaang makapanira pa ang aroganteng mambabatas dahil kapag ‘yan ay nakapuwesto, mauulit ang kanyang ginawa. Hindi man maliwanag sa ating lahat ang buong istorya dahil magkaiba naman ang kanilang sinasabi ng nasabing waiter, pero mali pa rin ang ginawa ng mambabatas.
Malakas ang hatak sa mga manonood ang teleseryeng “Ang Probinsiyano” na party-list ng gagong si Delos Santos. Kung si Cardo Dalisay ay pinagtatanggol ang mga inaapi, kabaliktaran naman si Delos Santos na nananapak ng mahirap nating kababayan. Humingi man siya ng sorry sa biktima at public apology, para sa akin, hindi iyon sapat upang siya’y maupo sa Kongreso.
Dapat sipain dahil hindi bagay maging public servant. Maangas ang dating. Akala siguro ni Delos Santos ay walang makakapansin sa kanya. Mabuti na lang at merong CCTV sa resto bar. Hindi niya puwedeng ikaila ang pananapak sa waiter.
Alalahanin sana ni Delos Santos na kaya siya nasa puwesto ay dahil ibinoto ng tao ang kanyang Probinsiyano party-list kaya hindi siya dapat mag-asal kanto boy. Anumang oras, puwede siyang sipain ng partido.
Maniniwala pa ako na ang dalawang kongresistang magsusuntukan o magmumurahan sa loob mismo ng Kongreso ay patas ang labanan pero pag sila’y nasa labas, dapat magpakabait at maging disente upang igalang ng mga nakakasalamuha. Hindi ‘yung kayo pa ang nagpapasimuno ng kaguluhan.
Kung sakaling binawi ng waiter na si Christian Kent Alejo ang demanda laban kay Delos Santos, hindi ibig sabihin absuwelto na ang kongresista sa taumbayan. Kailangan pa rin niyang magpaliwanag. Tingnan nga natin kung kayang lusutan ang tunay na teleserye ng Ang Probinsiyano party-list.
- Latest