Kailangan ay pagkain, hindi satsat sa klima
TAMA na ang biyahe-biyahe sa international talks tungkol sa climate change, ani Foreign Sec. Teddy Locsin. Maghintay na lang daw ng mga radikal na panukala habang narito sa bansa. May katuwiran siya. Bawat paglipad ay sumusunog ng fossil fuels sa eroplano at sa airport. At lahat ng maaring sabihin ay nasabi na tungkol sa sakuna sa klima.
Naka-25 taunang pulong na ang UN sa isyu mula 1995. Ang tawag du’n ay Conference of the Parties (COP) to the Framework Convention on Charter Change. Sa iba’t ibang bansa tinipon ang mga presidente, mambabatas, siyentipiko, lider ng industriya, at social workers. Naka-daan-libong frequent flier miles ang mga regular na dumalo. Mula 2005 isinabay ang taunang “Conference of the Parties Serving as the Meeting of the Parties to the Kyoto Protocol” (CMP); naka-15 CMP na. At mula 2016 isiningit pa ang taunang conference for meetings on actions (CMA); naka-apat na nito. Nagmimiting para magtakda ng iba pang miting.
Mula 1990 isinisi ng mayayamang bansa sa mahihirap na bansa ang kalahati ng greenhouse gases. Sinukat ng World Research Institute sa America ang taunang emissions ng bawat bansa, at malala raw ang Asians. Ito’y dahil kumakain sila ng kanin at nag-aalaga ng hayop. Nagbubuga ng methane ang palay para tumubo. May methane ang utot ng mga baka, kalabaw, baboy at kambing. Binubutas nito ang ozone layer. ‘Yun ang sanhi ng pag-init ng mga dagat, pagtunaw ng polar icecaps, at nakamamatay na heat waves at winters.
Marami nang nagpatunay na mali ang WRI. Isa ang “Global Warming in an Unequal World: A Case of Environmental Colonialism” nu’ng 1991. Sabi nina Indian conservationists Sunita Narain at Anil Agarwal, may mga gubat at pastulan sa mahihirap na bansa na naglilinis ng hangin. At iba ang emissions ng mahihirap mula sa palayan o alagang hayop kaysa mayayaman, tulad ng kotse. May karapatan ang maralita sa kanin at karne, kumpara sa karangyaan ng mayayaman.
- Latest