Rehabilitasyon sa PhilHealth
INIUTOS na ni President Duterte na arestuhin ang may-ari ng WellMed Dialysis Center, dahil sa sinasabing “ghost dialysis”. Ayon sa dating empleyado na kumakanta ngayon, patuloy na naniningil ang WellMed sa PhilHealth para sa mga dialysis sessions kahit pumanaw na ang pasyente. May 90 dialysis sessions na sagot ng PhilHealth bawat taon. Kapag pumanaw na ang pasyente at may balanse pa sa 90 sessions, patuloy na sinisingil umano.
Pero may mga nagsasabi, kabilang ang ilang doktor, na hindi magagawa ang patuloy na paniningil kung walang kasabwatan ang ospital o center at tauhan sa PhilHealth. Sa ginagawang imbestigasyon ngayong isinapubliko na ang isyu, isama na rin ang rehabilitasyon ng PhilHealth, para magkaroon ng sistema na hindi na mauulit ang nasabing “ghost dialysis”. Halimbawa, kapag pumanaw na ang isang pasyente, kailangang ipaalam ng mga kamag-anak sa PhilHealth sa loob ng ilang araw o linggo, para hindi na masingilan pa. Wala raw kasing paraan o sistema sa ngayon para malaman ng PhilHealth kung buhay pa nga ang pasyente.
Hindi lang daw sa dialysis nagagatasan ang PhilHealth. Kapag ibang kondisyon ang inilagay ng doktor dahil mas mataas ang singil sa PhilHealth, dito rin daw nagkakaroon ng anomalya. Ang bawat sakit o kondisyon ay may nakatakdang “presyo” ang PhilHealth. Kapag isinulat na ng doktor ang sakit na mas mataas ang “presyo”at isinumite na sa PhilHealth, binabayaran na lang ito nang hindi inaalam kung ito talaga ang naging sakit ng pasyente. Para bantayan ng PhilHealth ang lahat ng pasyente ay hindi praktikal. Pero kapag may natutunugan na ang PhilHealth na anomalya, dito na gumagawa ng audit at dito nahuhuli ang mga nakinabang na doktor. Pero ganun nga, hindi madalas nagagawa ito. Sa rami ng doktor sa bansa, paano mababantayan lahat?
Talung-talo talaga ang bansa kapag ganito ang nangyayari. Hindi ako magtataka sa sinasabing P154 bilyon na nawala umano sa PhilHealth. Kailangan na talagang pag-aralan ang mas mahigpit na sistema para hindi ma magawa ang mga kolokohan. Kailangan ng kooperasyon ng lahat, doktor, ospital o center at pasyente, para hindi na magatasan ang gobyerno. Ang pasyente ang lubusang apektado at dehado sa mga nagaganap na kalokohan.
- Latest