Bagong Emperor Naruhito sana bumisita rin sa PH
NABIGLA ang Japan nu’ng magbitiw si Emperor Akihito simula Abril. Huling may nag-abdicate na emperor nu’ng 1817, sa pinakamatandang monarkiya sa mundo. Pero naintindihan ng madla ang dahilan. Si Akihito, 85, ay mapagkumbaba; batid niya na matapos ang 30-taong pamumuno, makakabuting ipasa ang trono sa modernong henerasyon.
Binago ng Konstitusyon ng Japan ang papel ng emperor matapos ang World War II. Mula buhay na diyos na may poder sa pulitika, tulad ng pagdeklara ng digmaan, ginawa itong simbolo ng bansa. Sa alamat, nagmula ang angkan ng emperor kay Amaterasu, diyosa ng araw sa Shinto. Pero ang iginawi ni Akihito ay pakikiisa sa tao. Nag-asawa siya ng ordinaryong mamamayan. Pinag-abalahan nila ni Empress Michiko ang mga baldado, kasama ang taunang paraplegic Olympics. Nu’ng 2011 nakunan silang nakaluhod at magkakapit-kamay sa mga biktima ng Fukushima earthquake. Binisita ni Akihito ang malalagim na pinaglabanan nu’ng digmaan kung saan maraming nasawing taga-Asia.
Bilang ika-126 na emperor sa nakaraang 2,680 taon, itutuloy ni bagong Emperor Naruhito ang mga proyekto ng ama. Pero, graduate ng Oxford, may mga sariling isusulong siya sa Reiwa (beautiful harmony) era. Si Empress Masako, galing Harvard, ay dating diplomat na maraming sinasalitang wika. Malaki ang idadagdag nila sa impluwensiya ng Japan sa mundo. Hindi lang ito sa larangan ng kalakal at teknolohiya, kundi sa kultura rin. Kilalang malumanay ang mga Hapon sa salita. Pero mabusisi sila sa kalidad ng produkto at lipunan.
Isa sa mga huling opisyal na biyahe nina Akihito at Michiko ay sa Davao City nu’ng 2016. Isa sana sa mga opisyal na biyahe nina Naruhito at Masako ay Pilipinas. Lalo nila mapaglalapit ang dalawang bansa. Japan ang pinakamalaking namumuhunan at tumutulong sa Pilipinas, at ikalawa sa kalakal. Matindi ang kanilang palitan ng turista, teknolohiya, at galing ng manggagawa.
- Latest