Bagong drama
SI Peter Joemel Advincula o “Bikoy” na ngayon ang nag-aakusa. Siya ang umaamin na nasa likod ng mga video sa YouTube, kung saan idinawit ang pamilya ni President Duterte na nakikinabang umano sa illegal drugs. Ngunit ngayon, iba na ang ikinakanta.
Ang Liberal Party at si Sen. Trillanes ang mga utak sa likod ng video. Humingi siya ng paumanhin sa pamilya Duterte. Ginamit lang daw siya. Nagtungo siya noon sa IBP upang humingi ng tulong-legal. Inilantad niya kung paano kumikita ang mga miyembro ng unang pamilya kasama si ngayong Sen. Bong Go ng milyong piso sa illegal drugs. Nagpakita ng mga account, halaga, sekretong pangalan, pati tattoo na nagpapahiwatig na miyembro ng sindikato.
Pero nang matapos ang press conference, binitawan siya ng IBP dahil kailangan daw imbestigahan muna ang isinisiwalat. Pansamantala siyang nawala. Hinanap siya ng PNP, pati ng Palasyo, para kasuhan sa pagdawit sa unang pamilya. Marahil, malapit nang mahuli kaya sumuko. Dito nagbago ang kanyang awit.
Katawa-tawa na sa kasagsagan ng mga video na “Ang Totoong Narcolist”, binansagang sinungaling at scam ar-tist. Ngayong sumuko sa PNP at itinuro ang oposisyon na nasa likod ng mga video, tila nagsasabi siya ng katotoha-nan.
Pero marami siyang ebidensiya sa mga video, tunay man o hindi. Sa bagong kuwento, wala siyang maipakitang ebidensiya kundi ang kanyang salita. Gayunpaman, binantaan ng tagapagsalita ng Palasyo si Trillanes na nahaharap muli sa pag-aresto. Mistulang natanggap ng mga korte ang utos mula sa Palasyo.
Makulay ang nakaraan ni Advincula. Nahaharap sa ilang kasong kriminal. Ayon kay Sen. Lacson na dating PNP chief, kilala niya ang mga “handler” ni Advincula. Sabi ni Defense Sec. Lorenzana, hindi dapat pinaniniwalaan agad ang sinasabi ng taong ito dahil pabagu-bago ang mga salaysay. Kasalukuyang malaya dahil nakapagpiyansa, ngunit tiyak minamanmanan na ng administrasyon. Isa na siyang sandata sa mga kritiko ng gobyerno. Sinusuportahan ng Palasyo ang kanyang mga pahayag, totoo man o hindi. May bagong drama na mapapanood ang mamamayan.
- Latest